1 Muling nagturo si Hesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Pinalibutan siya ng maraming tao, kaya sumakay siya ng bangka at umupo roon, habang nasa dalampasigan ang mga tao. 2 Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, 3 "Makinig kayo! May isang magsasakang naghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at pinagtutuka ang mga binhing iyon. 5 May mga binhi namang nahulog sa batuhan, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang mga binhi dahil mababaw ang lupa. 6 Ngunit nalanta rin ang mga ito nang masikatan ng araw at namatay dahil hindi masyadong nag-ugat. 7 May mga binhi namang nahulog sa may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at sinikil nito ang mga tumubong binhi kaya hindi namunga. 8 Ngunit ang iba namaʼy nahulog sa matabang lupa. Tumubo at lumago ang mga ito, at namunga nang marami. May tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan."
9 Pagkatapos, sinabi ni Hesus, "Makinig ang sinumang may pandinig!"
10 Pagkaalis ng mga tao, tinanong siya ng labindalawang alagad at ng iba pang mga alagad niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon. 11 Sinabi niya sa kanila, "Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, 12 nang sa gayon,
‘Makita man nilaʼy hindi pa rin nila maiintindihan
Marinig man nilaʼy hindi pa rin nila mauunawaan.
Sapagkat kung makakaunawa sila,
magbabalik-loob sila sa akin
at silaʼy aking patatawarin.’"
13 Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa kanila, "Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghagang ito, paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga? 14 Ang binhing inihasik ng magsasaka ay ang salita ng Diyos. 15 Ang tabi ng daan kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos. Ngunit dumating agad si Satanas at tinangay ang salita ng Diyos na narinig nila. 16 Gayundin ang batuhan kung saan nahulog ang ibang binhi. Sila ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at kaagad itong tinanggap nang may kagalakan. 17 Ngunit dahil hindi ito nag-ugat sa kanilang mga puso, hindi nagtatagal ang kanilang pananampalataya. Kaagad nila itong tinatalikuran pagdating ng mga pagsubok o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos. 18 Ang lupang may matitinik na damo kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos, 19 ngunit dahil sa mga alalahanin sa buhay, pagkasilaw sa kayamanan, at pagkahumaling sa iba pang mga bagay, nawawalan ng puwang ang salita ng Diyos, kaya hindi ito nakakapamunga sa kanilang buhay. 20 Ngunit ang matabang lupa kung saan nahulog ang mga binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at tumanggap nito, kaya silaʼy namumunga ng marami; may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan."
21 Sinabi pa ni Hesus sa kanila, "Sinisindihan ba ang ilaw para takpan ng takalan o ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi baʼt inilalagay ito sa patungan? 22 Ganoon din naman, walang nakatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag. 23 Makinig ang sinumang may pandinig!"
24 "Makinig kayong mabuti sa sinasabi ko," dagdag pa niya. "Dahil kung paano kayo makinig, gayundin ang pang-unawang ibibigay ng Diyos sa inyo, at dadagdagan pa niya ito. 25 Sapagkat ang taong nakikinig nang mabuti ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi nakikinig, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya."
26 Sinabi pa ni Hesus, "Ang paghahari ng Diyos ay maihahalintulad dito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Habang nagtatrabaho siya sa araw at natutulog sa gabi, ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago, ngunit hindi niya alam kung paano ito nangyayari. 28 Ang lupa mismo ang nagpapatubo at nagpapabunga sa pananim; lilitaw muna ang usbong, tutubo ang tangkay, at pagkatapos ay mahihitik ng butil ang uhay. 29 At kapag hinog na ang butil, gagapasin na ito, dahil panahon na ng pag-aani."
30 Sinabi pa ni Hesus, "Saan maihahalintulad ang paghahari ng Diyos? Ano pang talinghaga ang makapagpapaliwanag nito? 31 Ito ay katulad ng buto ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga buto. 32 Ngunit kapag naitanim na at tumubo, nagiging pinakamataas ito sa lahat ng tanim, at nakakapamugad ang mga ibon sa mga sanga nito."
33 Marami pang mga talinghaga na gaya ng mga ito ang ginamit ni Hesus sa pangangaral niya sa mga tao, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangangaral sa mga tao nang hindi gumagamit ng talinghaga, pero kapag sila-sila na lang ng kanyang mga alagad, ipinapaliwanag niya lahat sa kanila.
35 Kinagabihan, sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, "Tumawid tayo sa kabila ng lawa." 36 Kaya iniwan nila ang mga tao at naglayag sakay ng bangkang sinakyan ni Hesus. May mga bangka ring sumunod sa kanila. 37 Habang naglalayag sila, biglang bumagyo nang napakalakas. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Hesus ay nasa hulihan ng bangka at natutulog nang nakaunan. Ginising siya ng mga alagad niya at sinabi sa kanya, "Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?"
39 Kaya bumangon siya at inutusan ang hangin, "Tigil!" at sinabihan ang lawa, "Kumalma ka!" Tumigil nga ang hangin at kumalma ang mga alon.
40 Tinanong niya ang mga alagad niya, "Bakit kayo natatakot? Wala pa rin ba kayong pananampalataya sa akin?"
41 Takot na takot silang nag-usap-usap, "Sino ang taong ito? Kahit ang hangin at mga alon ay sumusunod sa kanya!"