1 Pagdating ng isa pang Araw ng Pamamahinga, muling pumunta si Hesus sa sinagoga, at dooʼy may isang lalaking paralisado ang isang kamay. 2 May mga taong naroon na nagmamatyag kung pagagalingin ni Hesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3 Sinabi ni Hesus sa lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito sa harapan."
4 Pagkatapos, tinanong niya ang mga tao roon, "Alin ba ang ipinapahintulot sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: Ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?" Ngunit hindi sila umimik.
5 Galit na tiningnan ni Hesus ang mga nakapaligid sa kanya, ngunit nalungkot din siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, "Iunat mo ang iyong kamay!" Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 6 Agad na umalis ang mga Pariseo at nakipagpulong sa mga alagad ni Herodes upang pagplanuhan kung paano nila ipapapatay si Hesus.
7,8 Pumunta si Hesus at ang kanyang mga alagad sa tabi ng lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao na nagmula sa Galilea, sa lungsod ng Jerusalem at sa iba pang mga bayan sa lalawigan ng Judea, sa lalawigan ng Idumea, sa kabila ng Ilog Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Dinayo siya ng mga tao dahil nabalitaan nila ang mga kamangha-manghang ginagawa niya. 9 Dahil sa dami ng tao, nagpahanda si Hesus ng isang bangka sa mga alagad niya, upang hindi siya maipit ng mga ito. 10 Marami na siyang pinagaling, kaya dinumog siya ng napakaraming maysakit upang mahawakan siya. 11 Kapag nakikita siya ng mga taong sinasaniban ng masamáng espiritu, nagpapatirapa sila sa harap niya at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" 12 Ngunit mahigpit niya silang pinagbawalan na ibunyag kung sino siya.
13 Pagkatapos, umakyat sina Hesus sa bundok at dooʼy tinawag niya ang mga taong gusto niyang piliin, at silaʼy lumapit sa kanya. 14 Humirang siya ng labindalawa [na tinawag niyang mga apostol] upang makasama niya at upang isugong mangaral. 15 Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.
16 Ito ang mga labindalawang hinirang niya:
si Simon (na tinawag niyang Pedro),
17 sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo (tinawag niya silang Boanerges na ang ibig sabihin ay "mga anak ng kulog"),
18 si Andres,
si Felipe,
si Bartolome,
si Mateo,
si Tomas,
si Santiago na anak ni Alfeo,
si Tadeo,
si Simon na makabayan
19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Hesus kinalaunan.
20 Pag-uwi ni Hesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao, kaya siya at ang mga alagad niya ay hindi na nagawang kumain. 21 Nang mabalitaan ito ng pamilya ni Hesus, pumunta sila upang kunin siya dahil naisip nilang baka nasisiraan na siya ng bait.
22 May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, "Sinasapian siya ni Satanas na pinuno ng mga demonyo. At sa pamamagitan nito, nakakapagpalayas siya ng mga demonyo."
23 Kaya tinawag ni Hesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga: "Paano naman palalayasin ni Satanas ang sarili niya? 24 Kung ang isang kaharian ay nagkakawatak-watak at naglalaban-laban, babagsak ito. 25 Ganoon din kapag nag-aaway-away ang isang sambahayan, magkakawatak-watak ito. 26 Kaya kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili at hati-hati ang mga kampon niya, babagsak din siya at iyon na ang kanyang katapusan. 27 Hindi makakapasok ang magnanakaw sa bahay ng isang malakas na tao, maliban kung gapusin niya muna ito. At kapag naigapos na niya, saka lang niya ito mananakawan. 28 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan ng tao, at anumang masamáng sinasabi nila laban sa Anak ng Tao ay maaaring mapatawad. 29 Ngunit ang sinumang magsasalita ng kalapastanganan sa Banal na Espiritu ay hinding-hindi mapapatawad. Ang kasalanang ito ay mananatili sa kanya magpakailanman."
30 Sinabi iyon ni Hesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan, "Sinasapian siya ng masamáng espiritu."
31 Dumating naman ang ina at mga kapatid ni Hesus. Habang nakatayo sila sa labas, ipinatawag nila siya. 32 Maraming tao ang nakaupo sa palibot niya noon, at may nagsabi sa kanya, "Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ipinapatawag kayo."
33 Sumagot si Hesus, "Sino ang aking ina at mga kapatid?"
34 Tiningnan niya ang mga taong nakapalibot sa kanya at sinabi, "Ang mga ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ang siya kong ina at mga kapatid."