1 Isang araw, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating mula sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Hesus. 2 Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi sila naghugas sa tamang paraan bago kumain. 3 (Ang mga Hudyo, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hanggaʼt hindi nakakapaghugas ng kamay alinsunod sa kaugalian ng kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain pagkagaling nila sa palengke hanggaʼt hindi nila nagagawa ang seremonya ng paghuhugas. Marami pa silang mga kaugalian tulad ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.)
5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, "Bakit hindi namumuhay ayon sa kaugalian ng ating mga ninuno ang iyong mga alagad? Sa halip, kumakain silang marumi ang mga kamay."
6 Sinagot sila ni Hesus, "Mga pakitang-tao! Tama nga ang sinabi ni Propeta Isaias tungkol sa inyo nang sinulat niya:
‘Sa labi lamang ako iginagalang ng mga taong ito,
sapagkaʼt malayo sa akin ang kanilang mga puso.
7 Ang pagsamba nila sa akiʼy walang kabuluhan;
pawang tuntunin ng tao ang kanilang katuruan.’
8 Ang mga utos ng Diyos ay inyong tinalikuran, at ang mga kaugalian ng tao ang inyong sinundan."
9 Sinabi pa niya, "Ang huhusay ninyong magpawalang-bisa ng mga utos ng Diyos para masunod ang sarili ninyong kaugalian. 10 Katulad na lang ng sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’ at ‘Ang lumalapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Diyos), 12 hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13 Pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga kaugaliang ginawa nʼyo at ipinamana sa iba. At marami pa kayong ginagawang tulad nito."
14 Muling tinawag ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, "Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas dito. [ 16 Makinig ang sinumang may pandinig!]"
17 Pagkatapos, pumasok si Hesus at ang kanyang mga alagad sa isang bahay upang makaiwas sa mga tao. Tinanong siya ng mga alagad niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghagang iyon. 18 Sinabi ni Hesus sa kanila, "Hindi rin ba kayo nakakaintindi? Hindi ba ninyo alam na hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya? 19 Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi niya rin iyon." (Sa sinabi niyang ito, ipinahayag niya na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.)
20 Sinabi pa ni Hesus, "Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya. 21 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanyang gumawa ng seksuwal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira sa kapwa, pagmamayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at nagpaparumi sa kanya."
24 Umalis si Hesus doon at nagtungo sa isang lugar malapit sa Tiro [at Sidon]. Tumuloy siya sa isang bahay dahil ayaw niyang malaman ng mga tao na naroon siya, ngunit nalaman pa rin nila. 25 Sa katunayan, nang marinig ito ng isang ina na may anak na babaeng sinasaniban ng masamáng espiritu, agad siyang pumunta at nagpatirapa sa paanan ni Hesus. 26 Siya ay isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nagmakaawa siyang palayasin ni Hesus ang demonyo sa kanyang anak.
27 Ngunit sumagot si Hesus, at sinabi, "Dapat munang pakainin ang mga anak, dahil hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso."
28 Sumagot ang babae, "Tama po kayo, Panginoon, ngunit maging ang mga aso sa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga mumo na nahuhulog ng mga bata."
29 Kaya sinabi ni Hesus sa kanya, "Dahil sa sinabi mong iyan, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak."
30 Umuwi nga ang babae at nadatnan ang anak niya sa higaan, at wala na ang sumaping demonyo.
31 Umalis si Hesus sa lupain ng Tiro, at dumaan sa Sidon. Nagtuloy siya sa lawa ng Galilea, at tinahak niya ang lupain ng Decapolis. 32 Dinala ng mga tao kay Hesus ang isang lalaking pipi at bingi. Nakiusap sila na ipatong niya ang kanyang mga kamay sa lalaki upang gumaling ito.
33 Inilayo muna ni Hesus ang lalaki sa mga tao. Nang sila na lang, ipinasok niya ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng lalaki, at pagkatapos ay dumura siya at hinipo ang dila ng lalaki. 34 Tumingala si Hesus sa langit, nagbuntong-hininga, at sinabi sa lalaki, "Effata!" (na ang ibig sabihin ay "Mabuksan ka!") 35 Agad na nakarinig ang lalaki at nakapagsalita nang maayos.
36 Binilinan naman ni Hesus ang mga tao na huwag ipamalita ang nangyari. Ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. 37 Labis na namangha ang mga tao, at sinabi nila, "Napakahusay ng lahat ng ginawa niya! Kahit ang mga pipi ay nakakapagsalita at ang mga bingi ay nakakarinig."