1 Umalis si Hesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng kanyang nakagawian ay nangaral siya sa kanila.
2 Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya at nagtanong para subukin siya. Sinabi nila, "Ipinapahintulot ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?"
3 Tinanong din sila ni Hesus, "Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?"
4 Sumagot ang mga Pariseo, "Ipinahintulot ni Moises na gumawa ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay puwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa."
5 Sinabi sa kanila ni Hesus, "Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. 6 Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Diyos ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’ 7 ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. 8 At silang dalawa ay magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. 9 Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Diyos."
10 Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila, "Kung hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang unang asawa. 12 At kung hiniwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala rin ng pangangalunya."
13 May mga taong nagdala ng kanilang maliliit na anak kay Hesus para patungan niya ng kamay at pagpalain. Ngunit pinagbawalan sila ng mga alagad. 14 Nang makita ni Hesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga alagad niya, "Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos." 16 Pagkatapos nitoʼy kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.
17 Nang paalis na si Hesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, "Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?"
18 Sumagot si Hesus, "Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Diyos lang ang mabuti, wala nang iba! 19 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi nang kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong mga magulang.’ "
20 Sumagot ang lalaki, "Guro, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata."
21 Tiningnan siya ni Hesus nang may pagmamahal at sinabi, "Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin."
22 Nanlumo ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, sapagkat napakayaman niya.
23 Tumingin si Hesus sa paligid at sinabi sa mga alagad niya, "Napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos."
24 Nagtaka sila sa sinabi ni Hesus, kaya sinabi niyang muli, "Mga anak, napakahirap talagang makapasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa makapasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos."
26 Lalong nagtaka ang mga alagad niya, kaya nagtanong sila, "Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?"
27 Tiningnan sila ni Hesus at sinabi, "Imposible ito sa tao ngunit hindi sa Diyos, sapagkat ang lahat ay posible sa Diyos."
28 Sinabi sa kanya ni Pedro, "Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo."
29 Sumagot si Hesus, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang lahat ng nag-iwan ng bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin at sa Magandang Balita 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, mga lupa, pati mga pag-uusig. At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon. 31 Maraming dakila ngayon ang magiging hamak, at maraming hamak ngayon ang magiging dakila."
32 Habang naglalakad sila papuntang Jerusalem, nauna sa kanila si Hesus. Kinakabahan ang mga alagad niya at natatakot naman ang iba pang sumusunod sa kanila. Ibinukod ni Hesus ang labindalawang alagad at muli niyang sinabi kung ano ang mangyayari sa kanya, 33 "Makinig kayo! Papunta na tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34 Iinsultuhin nila siya, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit muli siyang mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw."
35 Lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at nagsabi, "Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo."
36 "Ano ang kahilingan ninyo?" tanong ni Hesus.
37 Sumagot sila, "Sana po, kapag naghahari na kayo ay paupuin nʼyo kami sa inyong tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa."
38 Ngunit sinabi ni Hesus sa kanila, "Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inumin ang nasa kopang iinuman ko? Makakaya ba ninyong mabautismuhan sa bautismong daranasin ko?"
39 Sumagot sila, "Opo, kaya namin."
Sinabi ni Hesus, "Iinom nga kayo sa kopang iinuman ko, at babautismuhan kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o kaliwa ko. Ang mga itoʼy para sa mga taong pinaglaanan nito."
41 Nang malaman ng sampung alagad kung ano ang hiningi nina Santiago at Juan, nagalit sila sa kanila. 42 Kaya tinawag silang lahat ni Hesus at sinabi, "Alam nʼyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit ano ang gustuhin nila ay nasusunod. 43 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 44 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ang Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay upang tubusin ang maraming tao!"
46 Dumating sina Hesus sa Jerico. At nang paalis na siya roon kasama ang mga alagad niya, sumunod sa kanila ang napakaraming tao. Sa tabi ng daan, may isang bulag na nakaupo at namamalimos. Siyaʼy si Bartimeo (na ang ibig sabihin ay "anak ni Timeo"). 47 Nang marinig niyang dumadaan si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya, "Hesus, Anak ni David, maawa po kayo sa akin!"
48 Pinagsabihan siya ng maraming tao na tumahimik, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, "Anak ni David, maawa po kayo sa akin!"
49 Tumigil si Hesus at sinabi, "Tawagin ninyo siya."
Kaya tinawag nila si Bartimeo at sinabi, "Lakasan mo ang loob mo. Tumayo ka, dahil ipinapatawag ka ni Hesus." 50 Inihagis ni Bartimeo ang balabal niya at dali-daling tumayo at lumapit kay Hesus.
51 Tinanong siya ni Hesus, "Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?"
Sumagot ang bulag, "Rabbi, gusto ko pong makakita."
52 Sinabi ni Hesus sa kanya, "Umuwi ka na; pinagaling ka ng iyong pananampalataya." Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Hesus sa daan.