1 Panginoon, aawit ako ng tungkol
sa inyong pag-ibig at katarungan.
Aawit ako ng mga papuri
sa inyo.
2 Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
Kailan nʼyo ako lalapitan?
Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan.
3 Hindi ko hahayaan ang anumang kasamaan.
Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong
tumatalikod sa Diyos,
at hindi ako makikibahagi
sa kanilang ginagawa.
4 Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
hindi ako sasali sa kanilang
ginagawang kasamaan.
5 Sinumang lihim na naninira
sa kanyang kapwa
ay aking wawasakin.
Ang mga hambog at mapagmataas
ay hindi ko palalagpasin.
6 Ipapadama ko ang aking kabutihan
sa aking mga kababayan na tapat
at namumuhay nang matuwid;
silaʼy magiging kasama ko
at papayagan kong maglingkod sa akin.
7 Ang mga mandaraya at mga sinungaling
ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
8 Bawat araw ay lilipulin ko
ang mga taong masama;
mawawala sila sa bayan ng Panginoon.