Publicidade

Salmos 5

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na sinasaliwan ng plauta.

1 O Panginoon, mga salita koʼy iyong dinggin;

ang mga hinaing koʼy bigyang-pansin.

2 Aking Diyos at Hari,

ang paghingi ko ng tulong

ay inyong dinggin,

sapagkat sa inyo ako nananalangin.

3 Tuwing umaga, O Panginoon

naririnig ninyo ang aking panalangin.

Bawat umaga, akoʼy humihiling

at umaasa sa inyong kasagutan.

4 Kayo ay Diyos

na hindi natutuwa sa kasamaan,

at hindi nʼyo tinatanggap

ang taong namumuhay sa kasalanan.

5 Ang mga mapagmataas

ay hindi mananatili sa inyong harapan.

Ang mga taong gumagawa ng kasamaan

ay inyong kinasusuklaman.

6 Pinupuksa ninyo

ang mga sinungaling.

Kinasusuklaman ninyo

ang mga mamamatay-tao

at ang mga mandaraya.

7 Ngunit dahil sa inyong wagas na pag-ibig,

akoʼy makakapasok

sa inyong tahanan.

At bilang paggalang, akoʼy magpapatirapa

sa inyong banal na Templo.

8 O Panginoon, akoʼy inyong gabayan

tungo sa inyong matuwid na daan,

sapagkat napakarami ng aking kalaban.

Gawin nʼyong madali kong sundan

ang iyong daan na nasa aking harapan.

9 Sapagkat ang bibig ng aking mga kaaway

ay hindi mapagkakatiwalaan,

ang puso nilaʼy puno ng kapahamakan.

Katulad ng bukas na libingan

ang kanilang lalamunan;

Pawang salitang mapanlinlang

ang kanilang binibitawan.

10 O Diyos, panagutin nʼyo po sila.

Nawaʼy ipahamak sila

ng sarili nilang mga plano.

Itakwil ninyo sila

dahil sa dami ng kanilang pagkakasala,

sapagkat kayoʼy sinusuway nila.

11 Ngunit magalak nawa

ang lahat ng nanganganlong sa inyo;

magsiawit nawa sila

nang may kagalakan.

Ingatan nʼyo sila

na nagmamahal sa inyo,

upang silaʼy mapuno ng kagalakan.

12 Pinagpapala nʼyo Panginoon

ang mga matuwid.

Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag

na nag-iingat sa kanila.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-