1 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
2 Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay magsabi,
"Ang kanyang tapat na pag-ibig
ay walang hanggan."
3 Ang lahat ng mga angkan ni Aaron ay magsabi,
"Ang kanyang tapat na pag-ibig
ay walang hanggan."
4 Ang lahat ng may takot sa Panginoon ay magsabi,
"Ang kanyang tapat na pag-ibig
ay walang hanggan."
5 Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon,
at akoʼy kanyang sinagot at iniligtas.
6 Kasama ko ang Panginoon,
kaya hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa ng tao sa akin?
7 Kasama ko ang Panginoon,
siya ang tumutulong sa akin.
Makikita ko ang pagkatalo
ng aking mga kaaway.
8 Mas mabuti pang manalig sa Panginoon,
kaysa magtiwala sa tao.
9 Mas mabuting pang manalig sa Panginoon,
kaysa magtiwala sa mga pinuno.
10 Napaligiran ako ng maraming bansang kaaway ko,
ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon
silaʼy tinalo ko.
11 Totoong pinaligiran nila ako,
ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
12 Sinalakay nila ako
na parang mga pukyutan,
ngunit silaʼy napatigil
na parang sinusunog na dayami.
Dahil sa kapangyarihan ng Panginoon,
silaʼy tinalo ko.
13 Puspusan nila akong sinalakay,
at halos magtagumpay na sila,
ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang Panginoon ang aking kalakasan
at siya ang aking awit.
Siya ang nagligtas sa akin.
15,16 Naririnig ang masayang sigawan
ng mga mamamayan ng Diyos
sa kanilang mga tolda
dahil sa kanilang tagumpay.
Ang Panginoon ang nagbigay
sa kanila ng tagumpay
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan!
Ang kapangyarihan ng Panginoon
ang nagbibigay ng tagumpay!
17 Hindi ako mamamatay,
sa halip ay mabubuhay,
at isasaysay ko ang mga ginawa ng Panginoon.
18 Kahit napakatindi ng parusa ng Panginoon sa akin,
hindi niya niloob na akoʼy mamatay.
19 Buksan ninyo ang pintuan ng Templo ng Panginoon
para sa akin
dahil papasok ako
at siyaʼy aking pasasalamatan.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon
na ang mga matuwid lang
ang makakapasok.
21 Magpapasalamat ako sa inyo Panginoon,
dahil sinagot nʼyo
ang aking dalangin.
Kayo ang nagligtas sa akin.
22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
ang siyang naging batong panulukan.
23 Ang Panginoon ang may gawa nito
at tunay na kahanga-hanga
sa ating paningin.
24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon,
kaya tayoʼy magalak at magdiwang.
25 Panginoon, patuloy nʼyo kaming iligtas.
Pagtagumpayin nʼyo kami sa lahat
ng aming ginagawa.
26 Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.
Pagpalain sana kayo ng Panginoon
mula sa kanyang Templo.
27 Ang Panginoon ay Diyos
at napakabuti niya sa atin.
Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy
para sa pagdiriwang ng pista,
at pumarada paikot sa altar.
28 Panginoon, kayo ang aking Diyos;
nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.
29 Pasalamatan ang Panginoon,
dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig
ay walang hanggan.