1 Kahabagan ninyo ako, O Diyos,
mahabag kayo sa akin.
Sapagkat sa inyo ako kumukubli.
Akoʼy kukubli sa ilalim ng inyong mga pakpak,
hanggang sa ang panganib ay lumipas.
2 Sa Kataas-taasang Diyos akoʼy tumatawag,
sa kanya na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
3 Mula sa langit akoʼy kanyang tutulungan at ililigtas.
Inilalagay nʼya sa kahihiyan
ang mga kaaway ko.
Ipapakita nʼya ang kanyang pag-ibig at katapatan.
4 Napapaligiran ako ng mga kaaway,
parang mga leong handang lumapa ng tao.
Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
mga dilaʼy kasintalim ng espada.
5 O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan
at ang inyong kaluwalhatian sa buong mundo.
6 Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag
ang aking mga kaaway.
Naghukay rin sila sa aking dadaanan,
ngunit sila rin ang nahulog dito.
7 O Diyos, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
8 Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang aking sarili
at ang aking instrumentong may mga kuwerdas
upang magpuri sa inyo.
9 Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan
ay hindi mapantayan
at lampas pa sa kalangitan.
11 O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan
sa buong kalangitan at sa buong mundo.