Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na humihingi ng tulong sa Diyos.
1 Panginoong Diyos,
iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
2 Mapahiya sana at malito
ang mga nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana na hiyang-hiya
ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
3 Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
4 Ngunit ang mga lumalapit sa inyo
ay magalak sana at magsaya.
Ang lahat ng naghahangad
ng inyong pagliligtas
ay lagi sanang magsabi,
"Dakila ka, o Diyos!"
5 Ngunit ako, akoʼy dukha
at nangangailangan.
O Diyos, agad po ninyo akong lapitan!
Kayo ang tumutulong at nagliligtas sa akin.
Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.