Publicidade

Salmos 31

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.

Huwag nʼyong hayaang akoʼy mapahiya.

Iligtas nʼyo ako sapagkat kayo ay matuwid.

2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.

Kayo sa akin ay batong kanlungan,

at pader na tanggulan

para sa aking kaligtasan.

3 Dahil kayo ang aking matibay

na batong kanlungan,

pangunahan nʼyo ako at patnubayan

nang kayo ay aking maparangalan.

4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,

dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.

5 Ipinagkakatiwala ko sa inyong

mga kamay ang aking espiritu.

Iligtas nʼyo ako, Panginoon,

dahil kayo ang Diyos na maaasahan.

6 Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba

sa mga diyos-diyosan na walang kabuluhan,

dahil sa inyo ako nagtitiwala.

7 Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig,

dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa,

at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan.

8 Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway,

sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan.

9 Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,

dahil akoʼy labis nang nahihirapan.

Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,

at nanghihina na ako.

10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;

umiikli ang buhay ko

dahil sa pag-iyak at kalungkutan.

Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,

at parang nadudurog na ang aking mga buto.

11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,

at hinahamak ng aking mga kapitbahay.

Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;

kapag nakikita nila ako sa daan,

akoʼy kanilang nilalayuan.

12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,

at parang basag na sisidlang

wala nang halaga.

13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.

Natatakot akong pumunta kahit saan,

dahil plano nilang patayin ako.

14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.

Sinasabi kong,

"Kayo ang aking Diyos!"

15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.

Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.

16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.

Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.

17 Panginoon, huwag nʼyong payagang akoʼy mapahiya,

dahil sa inyo ako tumatawag.

Ang masasama sana ang mapahiya

at manahimik doon sa libingan.

18 Patahimikin nʼyo silang mga sinungaling,

pati ang mga mayayabang at mapagmataas

na binabalewala at hinahamak

ang mga matutuwid.

19 O kay dakila ng inyong kabutihan;

sa mga may takot sa inyo,

pagpapalaʼy inyong inilaan.

Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan

sa mga taong kayo ang kanlungan.

20 Itinago nʼyo sila sa ilalim

ng inyong pagkalinga.

At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak

at pang-iinsulto ng iba.

21 Purihin ang Panginoon,

dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin

noong akoʼy naipit sa isang

sinasalakay na bayan.

22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,

"Binalewala na ako ng Panginoon."

Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan,

at akoʼy kanyang tinulungan.

23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,

mahalin ninyo ang Panginoon.

Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,

ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.

24 Magpakatatag kayo

at lakasan ninyo ang inyong loob,

kayong mga umaasa sa Panginoon.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-