1 Purihin ang Panginoon!
Napakabuting umawit
ng pagpupuri sa ating Diyos.
Napakabuti at nararapat lang
na siya ay purihin.
2 Itinatayong muli ng Panginoon
ang Jerusalem,
at muli niyang tinitipon
ang mga nabihag na Israelita.
3 Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
at ginagamot ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin
ay kanyang nalalaman
at ang bawat isa
ay binigyan niya ng pangalan.
5 Makapangyarihan ang ating Panginoon.
Ang kanyang karunungan
ay walang hangganan.
6 Tinutulungan ng Panginoon
ang mga inaapi,
ngunit nililipol niya nang lubos
ang masasama.
7 Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
Tumugtog kayo ng alpa
para sa ating Diyos.
8 Pinupuno niya ng mga ulap
ang kalawakan,
at pinauulanan niya ang mundo,
at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
9 Binibigyan niya ng pagkain
ang mga hayop
at ang mga inakay na uwak
kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod
sa lakas ng mga kabayo
o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod
sa mga may takot sa kanya
at nagtitiwala sa kanyang tapat na pag-ibig.
12 Purihin ninyo ang Panginoon
na inyong Diyos,
kayong mga naninirahan sa Zion,
ang lungsod ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya
ang pintuan ng inyong bayan,
at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan
ang inyong lugar,
at binubusog niya kayo
ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang niyebe
na parang mga puting kumot,
at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo
na parang maliliit na bato.
Kahit sino ay walang makatagal
sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos,
ang yelo ay natutunaw.
Pinaiihip niya ang hangin,
at ang yelo
ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita,
mga tuntunin at mga utos
sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
hindi nila alam ang kanyang mga utos.
Purihin ang Panginoon!