Publicidade

Salmos 71

1 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.

Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.

2 Tulungan nʼyo ako at iligtas

sapagkat kayo ay matuwid.

Akoʼy inyong dinggin at sagipin.

3 Kayo sa akin ay batong kanlungan

na lagi kong malalapitan.

Ipag-utos nʼyo na iligtas ako,

dahil kayo ang aking matibay

na batong pananggalang.

4 O Diyos ko, iligtas nʼyo ako

mula sa kamay ng masasama

at malulupit na tao.

5 Kayo ang aking pag-asa,

O Makapangyarihang Panginoon.

Mula noong akoʼy bata pa,

sa inyo, ako ay nagtiwala.

6 Kayo ay aking kasama,

mula nang akoʼy isilang;

sa sinapupunan ng aking ina,

akoʼy inyong iningatan.

Akoʼy magpupuri sa inyo,

magpakailanman.

7 Naging halimbawa ang buhay ko

para sa karamihan,

dahil kayo ang aking naging kalakasan

at tagapag-ingat.

8 Maghapon ko kayong pinapupurihan

dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.

9 Huwag po ninyo akong iiwan

kapag akoʼy matanda na.

Huwag po ninyo akong pababayaan

kapag akoʼy mahina na.

10 Dahil nag-uusap-usap

ang aking mga kaaway

at nagbabalak na akoʼy patayin.

11 Sinasabi nilang, "Pinabayaan

na siya ng Diyos,

kaya habulin natin siya at dakpin

sapagkat wala namang magliligtas sa kanya."

12 O Diyos ko, huwag nʼyo po akong layuan;

at akoʼy agad ninyong saklolohan.

13 Nawa silang sa akin ay nagpaparatang

ay mapahiya at mapahamak.

Ang mga nagnanais na akoʼy saktan

ang siya sanang kutyain

at malagay sa kahihiyan.

14 Ngunit ako, O Diyos ay palaging aasa

at lalo pang magpupuri sa inyo.

15 Maghapon kong sasabihin

na matuwid kayo at nagliligtas,

kahit na hindi ko lubusang maunawaan.

16 Ihahayag ko ang inyong mga kahanga-hangang gawa,

O Makapangyarihang Panginoon;

Ihahayag ko sa mga tao

na kayo ay makatarungan;

Oo, kayo lamang.

17 O Diyos, mula pagkabataʼy

itinuro nʼyo na sa akin

ang tungkol sa inyong

mga kahanga-hangang gawa

at hanggang ngayon,

inihahayag ko ito sa mga tao.

18 At ngayong akoʼy matanda na

at maputi na ang buhok,

huwag nʼyo akong pabayaan, O Diyos.

Maihayag ko sana ang inyong lakas

at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,

at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.

19 O Diyos, ang inyong katuwiran

ay hindi kayang maunawaan nang lubusan.

Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.

Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.

20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako

ng maraming hirap,

bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.

At mula sa aking pagkakalibing,

akoʼy muli nʼyong bubuhayin.

21 Bibigyan nʼyo ako

ng mas higit na karangalan,

at muli akong aaliwin.

22 O Diyos ko, dahil sa inyong katapatan

pupurihin ko kayo sa aking

pagtugtog ng alpa.

O Banal na Diyos ng Israel,

aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.

23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo,

sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog

at umaawit ng papuri sa inyo.

24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid

dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan

ang mga nagnais na mapahamak ako.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-