1 Panginoon, kontrahin nʼyo po
ang mga kumukontra sa akin.
Labanan nʼyo ang mga kumakalaban sa akin.
2 Kunin nʼyo ang inyong kalasag,
at akoʼy inyong tulungan.
3 Ihanda nʼyo ang inyong mga sibat,
para sa mga taong humahabol sa akin.
Gusto kong marinig na sabihin nʼyo,
"Ako ang magpapatagumpay sa iyo."
4 Mapahiya sana ang mga taong naghahangad na akoʼy patayin.
Paatrasin nʼyo at biguin ang mga nagpaplano
ng masama sa akin.
5 Maging gaya sana sila ng ipa
na tinatangay ng hangin,
habang silaʼy itinataboy ng inyong anghel.
6 Maging madilim sana at madulas
ang kanilang dinadaanan,
habang silaʼy hinahabol ng inyong anghel.
7 Naghukay sila at naglagay ng bitag
para sa akin,
kahit wala akong ginawang masama sa kanila.
8 Dumating sana sa kanila ang kapahamakan
nang hindi nila inaasahan.
Sila sana ang mahuli sa bitag
na kanilang ginawa,
at sila rin ang mahulog sa hukay
na kanilang hinukay.
9 At akoʼy magagalak
dahil sa inyong pagliligtas sa akin,
Panginoon.
10 Buong puso kong isisigaw,
"Panginoon, wala kayong katulad!
Kayo ang nagliligtas sa mga dukha
at api mula sa mga mapagsamantala."
11 May mga malupit na taong sumasaksi
laban sa akin.
Ang kasalanang hindi ko ginawa
ay ibinibintang nila sa akin.
12 Ginagantihan nila ako ng masama
sa mga kabutihang aking ginawa,
kaya akoʼy labis na nagdaramdam.
13 Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot
para sa kanila;
nagdaramit ako ng sako
at nag-aayuno pa.
At kung ang aking dalangin
para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
14 palakad-lakad akong nagluluksa
na parang nawalan ng kapatid o kaibigan.
Akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati
para sa kanila
na para bang nawalan ako ng ina.
15 Ngunit nang ako na ang nahihirapan,
nagtitipon sila at nagtatawanan.
Nagsasama-sama ang mga kumakalaban sa akin;
kahit ang mga hindi ko kilala
ay sumasamaʼt walang tigil
na akoʼy hinahamak.
16 Kinukutya nila ako
nang walang pakundangan,
at ang kanilang mga ngipin
ay nagngangalit sa sobrang galit.
17 Panginoon, hanggang kailan kayo
manonood lang?
Iligtas nʼyo na ako sa mga sumasalakay na ito
na parang mga leon na gusto
akong lapain.
18 At sa gitna ng karamihan,
kayoʼy aking papupurihan
at pasasalamatan.
19 Huwag nʼyong payagan na matuwa
ang aking mga kaaway
sa aking pagkatalo.
Ang mga galit sa akin
nang walang dahilan
ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
20 Walang maganda sa sinasabi nila,
sa halip sinisiraan nila ang namumuhay
nang tahimik.
21 Sumisigaw sila sa akin
na nagpaparatang,
"Aha! Nakita namin ang ginawa mo!"
22 Panginoon, alam nʼyo ang lahat ng ito,
kaya huwag kayong manahimik.
Huwag kayong lumayo sa akin.
23 Panginoon kong Diyos, ipagtanggol po ninyo
ako sa kanila.
24 Ipahayag po ninyo na akoʼy
walang kasalanan,
O Panginoon kong Diyos,
dahil kayo ay matuwid kung humatol.
Huwag ninyong hayaang
akoʼy kanilang pagtawanan.
25 Huwag nʼyong hayaang sabihin nila
sa kanilang sarili,
"Sa wakas, nangyari rin ang gusto
naming mangyari,
natalo na rin namin siya!"
26 Mapahiya sana silang nagmamalaki sa akin
at nagagalak sa aking mga paghihirap.
27 Sumigaw sana sa kagalakan
ang mga taong
nagagalak sa aking kalayaan.
Palagi sana nilang sabihin,
"Purihin ang Panginoon
na nagagalak sa tagumpay
ng kanyang mga lingkod."
28 Ihahayag ko sa mga tao
ang inyong pagkamakatuwiran,
at buong maghapon ko kayong
papupurihan.