Publicidade

Salmos 26

Awit na isinulat ni David.

1 Patunayan nʼyo, Panginoon,

na akoʼy walang kasalanan,

dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,

at nagtitiwala sa inyo nang walang pag-aalinlangan.

2 Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.

Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,

3 dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,

at namumuhay ako na pinanghahawakan

ang inyong katapatan.

4 Hindi ako sumasama

sa mga taong sinungaling

at mapagpanggap.

5 Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama

ng masasamang tao,

at hindi ako nakikisama sa kanila.

6 Naghuhugas ako ng kamay

upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.

Pagkatapos, pumupunta ako sa inyong altar,

O Panginoon,

7 at umaawit ng papuriʼt pasasalamat.

Sinasabi ko sa mga tao

ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.

8 Panginoon, mahal ko ang iyong tahanan,

na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.

9 Huwag nʼyo po akong parusahang

kasama ng mga makasalanan,

gaya ng mga mamamatay-tao.

10 Palagi silang handang gumawa ng masama,

at nanghihingi ng suhol.

11 Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,

kaya tubusin nʼyo ako at inyong kahabagan.

12 Ngayon, ligtas na ako sa panganib,

kaya pupurihin ko kayo, Panginoon,

sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-