Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na inaawit sa tono ng awiting, "Huwag Sirain".
1 Kayong mga pinuno, matuwid ba
ang paghatol ninyo sa mga tao?
2 Hindi! Dahil paggawa ng masama
ang laging iniisip ninyo
at namiminsala kayo sa iba
saanman kayo naroroon.
3 Ang masasama ay lumalayo sa Diyos
at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4 Para silang mga ahas na makamandag.
Parang kobrang tinakpan ang tainga,
5 hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay
na tagapagpaamo niya.
6 O Panginoong Diyos, basagin nʼyo po ang kanilang mga ngipin
na parang pangil ng mga leon!
7 Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
at gawin mo ring walang silbi
ang kanilang mga palaso.
8 Maging tulad sana sila ng kuhol
na parang natutunaw habang gumagapang,
o ng sanggol na patay nang ipinanganak,
na hindi pa nakakita ng liwanag.
9 Mabilis silang tatangayin ng Diyos,
maging ang mga nabubuhay pa,
mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid
kapag nakita na nilang pinaghigantihan
ng Diyos ang masasama,
at dumanak na ang kanilang dugo.58:10 at dumanak na ang kanilang dugo: Sa literal, hinugasan niya ang kanyang paa sa dugo ng masama.
11 At sasabihin ng mga tao, "Tunay ngang
may gantimpala ang matutuwid
at mayroong Diyos na humahatol sa mundo."