Publicidade

Salmos 105

1 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.

Sambahin nʼyo siya!

Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.

2 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;

ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.

3 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.

Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.

4 Magtiwala kayo sa Panginoon,

at sa kanyang kalakasan.

Palagi kayong dumulog sa kanya.

5,6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Diyos,

at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,

alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa,

mga himala, at ang kanyang paghatol.

7 Siya ang Panginoon na ating Diyos,

siya ang humahatol sa buong mundo.

8 Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman;

ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi

9 ang pangako niya kay Abraham,

gayon din kay Isaac.

10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,

at magpapatuloy ito magpakailanman.

11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,

"Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan

bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan."

12 Nooʼy iilan pa lang

ang mga mamamayan ng Diyos,

at mga dayuhan pa lang sila

sa lupain ng Canaan.

13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa

at mga kaharian.

14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Diyos

na apihin sila.

Bilang proteksyon sa kanila

ay sinaway niya ang mga hari.

15 Sinabi niya,

"Huwag ninyong galawin ang hinirang

kong mga lingkod,

huwag ninyong saktan

ang aking mga propeta."

16 Nagpadala ang Diyos ng taggutom

sa lupain ng Canaan.

Kinuha niyang lahat

ang kanilang pagkain.

17 Ngunit may pinauna na siya sa Ehipto

na tutulong sa kanila.

Si Jose na ipinagbili roon

bilang alipin.

18 Kinadenahan ang kanyang mga paa

at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,

19 hanggang sa nangyari

ang kanyang propesiya.

Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya

ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.

20 Pinalaya siya ng hari ng Ehipto

na namamahala sa maraming tao,

21 at ginawa siyang tagapamahala

ng kanyang palasyo at mga ari-arian.

22 Bilang tagapamahala,

may kapangyarihan siyang turuan

ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari

pati ang kanyang mga tagapayo.

23 Pagkatapos, pumunta si Jacob

at ang kanyang pamilya sa Ehipto,

na lupain ng mga lahi ni Ham,

at doon sila nanirahan bilang dayuhan.

24 Pinarami ng Panginoon

ang kanyang mga mamamayan,

at naging makapangyarihan kaysa

sa mga Ehipsiyo na kanilang kaaway.

25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin

at lokohin ng mga Ehipsiyo

ang mga mamamayan na kanyang lingkod.

26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod

at si Aaron na kanyang hinirang.

27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham

ang mga himala na ginawa ng Diyos.

28 Pinadilim ng Diyos ang lupain ng Ehipto,

ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.

29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,

kaya namatay ang kanilang mga isda.

30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain,

at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.

31 Nag-utos ang Diyos,

at dumating sa kanilang lupain

ang napakaraming niknik at lamok.

32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain,

yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.

33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,

at iba pang mga punongkahoy.

34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang,

at mga tipaklong na hindi mabilang.

35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim,

pati ang mga bunga nito.

36 Pinatay ng Diyos ang lahat nilang panganay na lalaki.

37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel

sa lupain ng Ehipto na wala ni isa mang napahamak,

at may dala pa silang mga pilak at ginto.

At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.

38 Natuwa ang mga Ehipsiyo

nang umalis ang mga taga-Israel,

dahil takot sila sa kanila.

39 Naglagay ang Diyos ng ulap na lililim sa kanila

at kung gabi namaʼy apoy

upang magbigay sa kanila ng liwanag.

40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,

at pinadalhan sila ng Diyos ng mga pugo,

at binusog niya sila ng pagkaing

mula sa langit.

41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.

Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.

42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Diyos

dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako

kay Abraham na kanyang lingkod.

43 Pinalabas niya sa Ehipto

ang kanyang mga mamamayan

na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.

44 Ibinigay niya sa kanila

ang mga lupain ng ibang bansa;

ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba

45 upang sundin nila ang kanyang

mga tuntunin at kautusan.

Purihin ang Panginoon!

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-