Publicidade

Salmos 80

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni Asaf na inaawit sa tono ng awiting, "Mga Liryo ng Kasunduan."

1 O Pastol ng Israel, pakinggan nʼyo kami.

Kayo na nangunguna at pumapatnubay

sa angkan ni Jose

tulad ng isang nagpapastol ng mga tupa.

Kayo na nakaupo sa inyong trono

sa gitna ng mga kerubin,

ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,

2 sa lahi ni Efraim, ni Benjamin

at ni Manases.

Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan;

puntahan nʼyo kami upang iligtas.

3 O Diyos, ibalik nʼyo kami

sa mabuting kalagayan.

Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan

upang kami ay maligtas.

4 O Panginoong Diyos ng mga Hukbo,

hanggang kailan ang galit ninyo

sa mga panalangin ng inyong mga mamamayan?

5 Pinuno nʼyo kami ng kalungkutan,

at halos mainom na namin

ang aming mga luha.

6 Pinabayaan nʼyong awayin kami

ng mga kalapit naming bansa

at pinagtatawanan kami

ng aming mga kaaway.

7 O Diyos na Makapangyarihan,

ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.

Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan

upang kami ay maligtas.

8 Katulad namin ay puno ng ubas,

na kinuha nʼyo sa Ehipto

at itinanim sa lupaing pinalayas

ang mga nakatira.

9 Nilinis nʼyo ang lupaing ito

at ang puno ng ubas ay nag-ugat

at lumaganap sa buong lupain.

10 Nalililiman ng mga sanga nito

ang mga bundok

at ang malalaking puno ng sedro.

11 Umabot ang kanyang mga sanga

hanggang sa Dagat Mediteraneo

at hanggang sa Ilog ng Eufrates.

12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Diyos,

ang bakod nito?

Kaya ninanakaw ng mga dumadaan

ang mga bunga nito.

13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo

at iba pang hayop sa gubat.

14 O Diyos na Makapangyarihan,

bumalik na kayo sa amin.

Mula sa langit,

kami ay inyong pagmasdan.

Alalahanin ninyo

ang inyong mga mamamayan,

15 na tulad ng puno ng ubas

na inyong itinanim

sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

Alalahanin nʼyo kami

na inyong mga anak

na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.

16 O Diyos, upang kaming mga puno ng ubas

na pinutol at sinunog.

Tiningnan nʼyo kami nang may galit, at nilipol.

17 Ngunit ngayon, tulungan nʼyo kami

na inyong mga hinirang

na maging malapit sa inyo

at palakasin kami para sa inyong kapurihan,

18 at hindi na kami tatalikod sa inyo.

Ibalik sa amin ang mabuting kalagayan,

at sasambahin namin kayo.

19 O Panginoong Diyos ng mga Hukbo,

ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!

Ipakita sa amin ang inyong kabutihan

upang kami ay maligtas.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-