Publicidade

Salmos 145

Papuring awit na isinulat ni David.

1 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Diyos at Hari.

Pupurihin ko kayo magpakailanman.

2 Pupurihin ko kayo araw-araw,

at itoʼy gagawin ko magpakailanman.

3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan

at karapat-dapat na purihin.

Ang inyong kadakilaan

ay hindi kayang unawain.

4 Ang bawat salinlahi ay magsasabi

sa susunod na salinlahi

ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.

5 Pagbubulay-bulayan ko

ang inyong kadakilaan at kapangyarihan,

at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.

6 Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan

at kahanga-hangang mga gawa,

at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.

7 Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,

at aawit sila nang may kagalakan

tungkol sa inyong katuwiran.

8 Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;

hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.

9 Panginoon, mabuti kayo sa lahat;

nagmamalasakit kayo

sa lahat ng inyong nilikha.

10 Pasasalamatan kayo, Panginoon,

ng lahat ng inyong nilikha;

pupurihin kayo ng inyong mga tapat

na mamamayan.

11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan

at ang kadakilaan ng inyong paghahari,

12 upang malaman

ng lahat ang inyong dakilang mga gawa

at ang kadakilaan ng inyong paghahari.

13 Ang inyong paghahari

ay magpakailanman.

Panginoon, tapat kayo

sa inyong mga pangako,

at mapagmahal kayo

sa lahat ng inyong nilikha.

14 Tinutulungan ninyo ang mga dumaranas

ng kahirapan,

at pinalalakas ang mga nanghihina.

15 Ang lahat ng nilalang na may buhay

ay umaasa sa inyo,

at binibigyan nʼyo sila ng pagkain

sa panahong kailangan nila.

16 Sapat ang inyong ibinibigay

at silaʼy lubos na nasisiyahan.

17 Panginoon, matuwid kayo

sa lahat ng inyong pamamaraan,

at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.

18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat

na tumatawag sa inyo.

19 Ibinibigay ninyo ang nais

ng mga taong may takot sa inyo;

pinapakinggan ninyo ang kanilang mga daing

at inililigtas nʼyo sila.

20 Binabantayan ninyo ang mga umiibig sa inyo,

ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.

21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!

Ang lahat ng nilikha

ay magpupuri sa inyo magpakailanman.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-