1 Tumawag ako nang malakas sa Diyos.
Tumawag ako sa kanya
upang akoʼy kanyang pakinggan.
2 Kapag akoʼy nagdurusa,
akoʼy nananalangin sa Panginoon.
Sa gabi ay nakataas ang aking mga kamay
sa pagdarasal,
at hindi ako napapagod,
ngunit wala pa rin akong kaaliwan.
3 Naalala ko kayo, O Diyos, at akoʼy dumaing;
akoʼy nagmuni-muni at para bang akoʼy nawalan na ng pag-asa.
4 Hindi ninyo ako pinatutulog,
hindi ko na alam ang aking sasabihin,
dahil balisang-balisa ako.
5 Naaalala ko ang mga araw at taong lumipas.
6 Naaalala ko ang mga panahong umaawit ako sa gabi.
Nagbubulay-bulay ako
at tinatanong ang aking sarili:
7 "Habang buhay na ba akong
itatakwil ng Panginoon?
Hindi na ba siya malulugod sa akin?
8 Nawala na ba talaga
ang pag-ibig niya para sa akin?
Ang kanyang pangako ba
ay hindi na niya tutuparin?
9 Nakalimutan na ba niyang maging maawain?
Dahil ba sa kanyang galit
ay nawala na ang kanyang habag?"
10 At sinabi ko, "Ang pinakamasakit para sa akin
ay ang malamang hindi na tumutulong
ang Kataas-taasang Diyos."
11 Panginoon, aalalahanin ko ang inyong mga gawa.
Gugunitain ko ang mga himalang
ginawa nʼyo noon.
12 Iisipin ko at pagbubulay-bulayan
ang lahat ng inyong mga dakilang gawa.
13 O Diyos, ibang-iba ang inyong
mga pamamaraan.
Wala nang ibang Diyos
na kasindakila ninyo.
14 Kayo ang Diyos na gumagawa ng mga himala.
Ipinapakita nʼyo sa mga tao
ang inyong kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
iniligtas nʼyo ang inyong
mga mamamayan
na mula sa lahi nina Jacob at Jose.
16 Ang mga tubig, O Diyos
ay natakot at nanginig,
pagkakita sa inyo.
17 Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan,
kumulog sa langit at kumidlat
kung saan-saan.
18 Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin;
ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo,
at nayanig ang buong daigdig.
19 Tinawid nʼyo ang karagatang
may malalaking alon,
ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo
ay hindi nakita.
20 Pinatnubayan ninyo ang inyong mga mamamayan
na parang kawan,
sa pamamagitan nina Moises at Aaron.