Publicidade

Salmos 102

Panalangin ng isang taong dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong sa Panginoon.

1 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.

Ang paghingi ko sa inyo ng tulong

ay inyong dinggin.

2 Sa oras ng aking paghihirap

ay huwag sana kayong magtago sa akin.

Pakinggan nʼyo ako

at agad na sagutin.

3 Dahil ang buhay koʼy unti-unti

nang naglalaho tulad ng usok;

at ang katawan koʼy para nang sinusunog.

4 Akoʼy parang damong nalalanta na.

Wala na rin akong ganang kumain.

5 Dahil sa labis na pagdaing,

akoʼy halos butoʼt balat na lang.

6 Ang tulad koʼy mailap na kuwago sa ilang,

at kuwago sa mga lugar na walang tao.

7 Hindi ako makatulog;

akoʼy parang ibong nag-iisa sa bubungan.

8 Araw-gabi akong iniinsulto

ng aking mga kaaway.

Ang mga kumukutya sa akin

ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.

9 Hindi ako kumakain;

umuupo na lang ako sa abo

at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy

humalo sa aking inumin,

10 dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;

dinampot nʼyo ako at itinapon.

11 Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,

at nalalantang gaya ng damo.

12 Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;

at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.

13 Handa na kayong kahabagan ang Zion,

dahil dumating na ang takdang panahon

na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.

14 Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan

pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,

kahit itoʼy gumuho na at nawasak.

15 Ang mga bansa ay matatakot sa Panginoon.

Igagalang ng lahat ng hari sa mundo

ang inyong kaluwalhatian.

16 Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;

ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.

17 Sasagutin niya ang panalangin

ng mga naghihirap,

at hindi niya tatanggihan

ang kanilang mga dalangin.

18 Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,

upang sila rin ay magpupuri sa Panginoon:

19 Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,

tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,

20 upang pakinggan ang mga daing

ng mga bihag,

at palayain ang mga nakatakdang bibitayin.

21 At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,

at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem

22 kapag nagtipon na ang mga tao

mula sa mga bansa,

at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;

at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.

24 Kaya sinabi ko,

"O aking Diyos na buháy magpakailanman,

huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.

25 Nang pasimula paʼy nilikha mo ang sanlibutan,

at ikaw rin ang lumikha ng kalangitan.

26 Maglalaho ang mga ito,

ngunit ikaʼy mananatili magpakailanman.

Maluluma itong lahat tulad ng damit.

At gaya ng kasuotan, itoʼy inyong papalitan

at itatapon.

27 Ngunit ikaʼy hindi magbabago,

at mananatiling buháy magpakailanman.

28 Ang mga lahi ng inyong mga lingkod

ay mamumuhay nang ligtas

sa mga panganib

at iingatan nʼyo sila."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-