Publicidade

Salmos 62

Para kay Jedutun, ang direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David.

1 Sa Diyos lang ako may kapahingahan;

Ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.

2 Siya lang ang aking batong kanlungan

at kaligtasan.

Siya ang aking tanggulan,

kaya ligtas ako sa kapahamakan.

3 Kayong mga kaaway ko,

hanggang kailan kayo sasalakay

upang akoʼy patayin?

Tulad koʼy pader

na malapit nang magiba

at bakod na malapit nang matumba.

4 Gusto lamang ninyong maalis ako

sa aking mataas na katungkulan.

Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.

Kunwariʼy pinupuri ninyo ako

ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.

5 Sa Diyos ko lang matatamo

ang kapahingahan

dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.

6 Siya lang ang aking batong kanlungan

at kaligtasan.

Siya ang aking tanggulan

kaya ligtas ako sa kapahamakan.

7 Nasa Diyos ang aking kaligtasan

at karangalan.

Siya ang matibay kong batong kanlungan.

Siya ang nag-iingat sa akin.

8 Kayong mga mamamayan ng Diyos,

magtiwala kayo sa kanya

sa lahat ng oras!

Sabihin sa kanya ang lahat

ng inyong suliranin,

dahil siya ang ating kanlungan.

9 Ang tao, dakila man o mangmang

ay hindi mapagkakatiwalaan.

Pareho lang silang walang kabuluhan.

Magaan pa sila kaysa sa hangin

kapag tinimbang.

10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha

sa pangingikil at pagnanakaw.

Dumami man ang inyong kayamanan,

huwag ninyo itong mahalin.

11 Hindi lang isang beses kong narinig

na sinabi ng Diyos na nasa kanya

ang kapangyarihan

12 at tapat ang kanyang pag-ibig.

Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon

ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-