1 Pinagpala ang taong hindi namumuhay
ayon sa payo ng masasama
o sumusunod sa maling halimbawa
ng mga makasalanan,
at hindi nakikisama
sa mga taong mapangutya.
2 Sa halip ay nagagalak siyang sumunod
sa mga aral mula sa Panginoon,
at kanyang pinagbubulay-bulayan
ang mga ito araw-gabi.
3 Siyaʼy katulad ng isang punongkahoy
na itinanim sa tabi ng sapa,
namumunga sa takdang panahon
at hindi nalalanta ang mga dahon.
Magtatagumpay siya
sa anumang gagawin niya.
4 Ngunit iba ang mga taong masama;
silaʼy tulad ng ipa
na tinatangay ng hangin.
5 Sa araw ng paghatol,
silaʼy parurusahan
at ihihiwalay sa matutuwid.
6 Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon
ang matutuwid,
ngunit ang buhay ng taong masama
ay hahantong sa kapahamakan.