Publicidade

Salmos 69

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na inaawit sa tono ng awiting, "Mga Liryo."

1 O Diyos, iligtas nʼyo ako

sapagkat tulad ako ng isang taong

malapit nang malunod.

2 Tila lulubog na ako sa malalim na putik

at walang matutuntungan.

Para akong nasa laot

at tinatabunan ng mga alon.

3 Pagod na ako sa paghingi ng tulong

at masakit na ang aking lalamunan.

Dumidilim na ang paningin ko

sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Diyos.

4 Marami ang napopoot sa akin,

mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.

Gusto nila akong patayin nang walang dahilan.

Pinipilit nilang isauli ang mga bagay

na hindi ko naman ninakaw.

5 O Diyos, alam nʼyo ang aking kahangalan;

hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.

6 O Panginoon, ang Panginoon

ng mga Hukbo, Diyos ng Israel,

huwag sanang malagay sa kahihiyan

ang mga nagtitiwala

at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.

7 Dahil sa inyo, iniinsulto ako

at inilalagay sa kahihiyan.

8 Parang ibang tao ang turing sa akin

ng mga kapatid ko,

parang isang dayuhan

sa aming sariling tahanan.

9 Dahil sa labis-labis na pagmamalasakit ko

sa inyong bahay, halos mapahamak na ako.

Tuwing nilalait kayo ng mga tao,

nasasaktan din ako.

10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno,

tinitiis ko ang pagpapahiya sa akin.

11 Kapag nakadamit ako ng sako bilang pagdadalamhati,

ginagawa nila akong katatawanan.

12 Pinagbubulung-bulungan din ako

ng mga nakaupo sa pintuang-bayan.

At ang mga lasing ay lumilikha

ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.

13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.

Sa inyong tinakdang panahon,

sagutin nʼyo ang dalangin ko

ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.

Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,

14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.

Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway

na parang inililigtas nʼyo ako

mula sa malalim na tubig.

15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon

o lamunin ng kailaliman

o makulong sa bibig ng kamatayan.

16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,

dahil sa inyong kabutihan

at pagmamahal sa akin.

Kahabagan nʼyo ako at bigyang-pansin.

17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.

Sagutin nʼyo agad ako sapagkat nasa kagipitan ako.

18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.

19 Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.

Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.

20 Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin

at sumama ang loob ko.

Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,

ngunit wala ni isa man.

21 Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain

at nang akoʼy mauhaw, binigyan nila ako ng suka.

22 Habang kumakain sila at nagdiriwang,

mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.

23 Mabulag sana sila at laging manginig.

24 Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.

25 Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila

upang wala nang tumira sa mga ito.

26 Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,

at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap

na nararanasan ng mga ito.

27 Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.

28 Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay

at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.

29 Nasasaktan ako at nagdurusa,

kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Diyos.

30 Pupurihin ko ang Diyos

sa pamamagitan ng awit.

Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.

31 Kalulugdan ito ng Panginoon

higit sa handog na mga baka.

32 Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.

Lahat ng lumalapit sa Diyos ay magagalak.

33 Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha

at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.

34 Purihin ninyo ang Diyos

kayong lahat ng nasa langit,

nasa lupa at nasa karagatan.

35 Dahil ililigtas ng Diyos ang Jerusalem

at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.

At doon titira ang kanyang mga mamamayan

at aariin ang lupain na iyon.

36 Mamanahin ito ng kanilang lahi

at ang mga umiibig sa Diyos

ay doon maninirahan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-