Publicidade

Salmos 50

Awit na isinulat ni Asaf.

1 Ang Panginoong Diyos na makapangyarihan

ay nagsasalita at nananawagan

sa lahat ng tao sa buong mundo.

2 Nagliliwanag siya mula sa Zion,

ang magandang lungsod na walang kapintasan.

3 Darating ang Diyos at hindi lang siya basta mananahimik.

Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,

at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.

4 Tinawag niya ang buong langit at mundo upang sumaksi

sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.

5 Sinabi niya, "Tipunin sa aking harapan

ang mga tapat kong pinili

na nakipagkasundo sa akin

sa pamamagitan ng paghahandog."

6 Inihahayag ng kalangitan na ang Diyos ay matuwid,

dahil siya nga ang Diyos

na may karapatang mamuno at humatol.

7 Sinabi pa ng Diyos, "Kayong mga mamamayan ko,

pakinggan ninyo ang aking sasabihin!

Ako ang Diyos, na inyong Diyos.

Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!

8 Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog

na palagi ninyong iniaalay sa akin.

9 Hindi ko kailangan ang inyong mga baka at mga kambing.

10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:

ang mga hayop sa gubat

at ang mga baka sa libu-libong mga burol.

11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,

at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.

12 Kung magutom man ako,

hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,

dahil ang daigdig at ang lahat

ng nasa loob nito ay akin.

13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?

Hindi!

Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?

Hindi!

14 "Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat

at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo

sa akin na Kataas-taasang Diyos.

15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.

At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo."

16 Ngunit sinabi ng Diyos sa mga masama,

"Wala kayong karapatang banggitin

ang aking mga kautusan at kasunduan!

17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.

Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.

18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,

nakikipagkaibigan kayo sa kanya

at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.

19 Lagi kayong nagsasalita ng masama

at kay dali para sa inyong magsinungaling.

20 Handa kayong manira ng puri ng inyong mga kaanak,

kahit ng sarili ninyong kapatid.

21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,

kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.

Ngunit sasawayin ko kayo

at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.

22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Diyos,

dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo

at walang makapagliligtas sa inyo.

23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat

ay pinaparangalan ako

at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali

ay ililigtas ko."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_10-32-54-