Awit na kinakanta ng mga umaakyat sa Jerusalem.
1 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
at akoʼy kanyang sinagot.
2 Panginoon, iligtas nʼyo ako
sa mga mandaraya at sinungaling.
3 Kayong mga sinungaling,
ano kaya ang parusa ng Diyos sa inyo?
4 Parurusahan niya kayo
sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal
at nagliliyab na baga.
5 Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama
ng mga taong kasinsama ng mga taga-Mesec
at mga taga-Kedar.
6 Matagal na rin akong naninirahang
kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
7 Ang nais koʼy kapayapaan,
ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan,
ang gusto nilaʼy digmaan.