Publicidade

Lucas 9

Sinugo ni Hesus ang Labindalawa

1 Isang araw, tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. 2 Pagkatapos, sinugo niya sila para mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at magpagaling ng mga may sakit. 3 Sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, balutan, pagkain, pera o bihisan. 4 Kapag tinanggap kayo sa isang bahay, doon kayo makituloy hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. 5 At kung ayaw kayong tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa mga paa nʼyo bilang babala sa kanila." 6 Pagkatapos noon, umalis ang mga alagad at pumunta sa mga nayon. Nangaral sila ng Magandang Balita at nagpagaling ng mga may sakit sa ibaʼt ibang lugar.

7 Nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang mga ginagawa ni Hesus. Naguluhan siya dahil may mga nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. 8 May nagsasabi namang siya si Elias na nagpakita. At may nagsasabi pang isa siya sa mga propeta noong unang panahon na muling nabuhay. 9 Sinabi ni Herodes, "Pinapugutan ko ng ulo si Juan. Ngunit sino kaya itong nababalitaan ko? Marami akong narinig na kahanga-hangang bagay tungkol sa kanya." Kaya sinikap ni Herodes na makita si Hesus.

Pinakain ni Hesus ang Limang Libong Tao

10 Pagbalik ng mga apostol, ikinuwento nila kay Hesus ang lahat ng ginawa nila. Pagkatapos, isinama sila ni Hesus sa bayan ng Betsaida; wala na siyang isinamang iba 11 pero nalaman pa rin ng mga tao kung saan sila pumunta at sinundan sila. Pagdating nila doon, tinanggap naman sila ni Hesus at nangaral siya sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos, at pinagaling din niya ang mga may sakit.

12 Nang magdapit-hapon na, lumapit sa kanya ang labindalawang alagad at sinabi, "Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa kanayunan at kabukiran na malapit para humanap ng matutuluyan at makakain, dahil nasa ilang na lugar po tayo."

13 Ngunit sinabi ni Hesus sa kanila, "Kayo ang magpakain sa kanila."

Sumagot sila, "Limang tinapay at dalawang isda lang po ang mayroon tayo. Hindi ito kakasya, maliban na lang kung bibili kami ng pagkain para sa kanila." 14 (May limang libong lalaki ang naroon.)

Sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, "Paupuin ninyo sila nang grupo-grupo na tig-limampu bawat grupo." 15 At pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad niya para ipamigay sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, inipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng labindalawang basket.

Ipinahayag ni Pedro na si Hesus ang Mesias

18 Isang araw, nanalanging mag-isa si Hesus nang di-kalayuan sa mga alagad niya. Tinanong niya sila, "Sino raw ako ayon sa mga tao?"

19 Sumagot sila, "May mga nagsasabing kayo raw po si Juan na Tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta noong unang panahon, na muling nabuhay."

20 Tinanong sila ni Hesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?"

Sumagot si Pedro, "Kayo po ang Mesias na isinugo ng Diyos!"

Nagpahayag si Hesus tungkol sa Kanyang Kamatayan

21 Mahigpit na sinabihan ni Hesus ang mga alagad niya na huwag ipaalam kahit kanino na siya ang Kristo. 22 Sinabi pa niya, "Ang Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Hudyo, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay."

23 Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, "Kung sinuman sa inyo ang gustong sumunod sa akin ay hindi niya dapat inuuna ang kanyang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw. 24 Ang sinumang nagsisikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang sinumang mag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay maililigtas ito. 25 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala! 26 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag pumarito siya na taglay ang kanyang kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel.

27 "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos."

Ang Pagbabagong-anyo ni Hesus

28 Mga walong araw matapos sabihin ni Hesus iyon, isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago sa isang bundok upang manalangin. 29 Habang nananalangin si Hesus, nagbago ang anyo ng kanyang mukha. Ang damit niya ay naging puting-puti at nakakasilaw tingnan. 30 Biglang nagpakita ang dalawang lalaki, sina Moises at Elias, at nakipag-usap sa kanya. 31 Nakakasilaw din ang kanilang anyo, at ang pinag-uusapan nila ni Hesus ay ang tungkol sa kanyang kamatayan na malapit nang maganap sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro, pero nang magising sila, nakita nila ang nagliliwanag na anyo ni Hesus at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang paalis na ang dalawang lalaki, sinabi ni Pedro kay Hesus, "Guro, mabuti poʼt narito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias." (Ang totoo, hindi niya alam ang sinasabi niya.)

34 At habang nagsasalita pa si Pedro, tinakpan sila ng ulap at natakot sila. 35 May narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, "Ito ang aking Anak, na aking pinili. Pakinggan ninyo siya!" 36 Nang tumigil ang tinig, nakita nilang mag-isa na lang si Hesus. Hindi muna nila sinabi kahit kanino ang mga nasaksihan nila noong mga panahong iyon.

Nagpagaling si Hesus ng Batang Sinasaniban

37 Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Hesus ng napakaraming tao. 38 May isang lalaki roon na sumisigaw, "Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang nagsisisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya palagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan. 40 Nakiusap ako sa mga alagad ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya."

41 Sumagot si Hesus, "Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo."

42 Nang papalapit na ang bata, itinumba siya at pinangisay ng demonyo. Ngunit pinalayas ni Hesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata, at ibinalik sa ama nito. 43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Diyos.

Ipinahayag muli ni Hesus ang Kanyang Kamatayan

Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Hesus, sinabi niya sa mga alagad niya, 44 "Pakinggan ninyo at tandaan ang sasabihin kong ito: Ang Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng kanyang mga kaaway." 45 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinasabi niya, dahil inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong sa kanya tungkol sa bagay na ito.

46 Minsan, nagtalo-talo ang mga alagad ni Hesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Hesus ang nasa isip nila, kaya kumuha siya ng isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, "Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakamababa sa inyong lahat ang siyang pinakadakila."

49 Sinabi ni Juan kay Hesus, "Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan."

50 Ngunit sinabi sa kanya ni Hesus, "Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil ang hindi laban sa atin ay kakampi natin."

Hindi Tinanggap si Hesus sa Samaria

51 Nang malapit na ang araw para bumalik si Hesus sa langit, nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem. 52 Kaya pinauna niya ang ilang tao sa isang nayon ng mga Samaritano upang humanap ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang tanggapin ng mga tagaroon dahil alam nilang papunta siya sa Jerusalem. 54 Nang malaman iyon ng mga alagad ni Hesus na sina Santiago at Juan, sinabi nila kay Hesus, "Panginoon, gusto nʼyo po bang humingi kami ng apoy mula sa langit para sunugin sila?" 55 Ngunit lumingon si Hesus at pinagsabihan sila. 56 At tumuloy na lang sila sa ibang nayon.

Ang mga Nagnais Sumunod kay Hesus

57 Habang naglalakad sila, may isang lalaking nagsabi kay Hesus, "Susunod po ako sa inyo kahit saan."

58 Ngunit sinagot siya ni Hesus, "May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpapahingahan."

59 Sinabi ni Hesus sa isa, "Sumunod ka sa akin."

Ngunit sumagot siya, "Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako upang maipalibing ko ang aking ama."

60 Ngunit sinabi sa kanya ni Hesus, "Ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipangaral ang tungkol sa kaharian ng Diyos."

61 May isa ring nagsabi kay Hesus, "Susunod po ako sa inyo, Panginoon, pero hayaan nʼyo muna po akong magpaalam sa pamilya ko."

62 Sinabi ni Hesus sa kanya, "Ang nagsimulang mag-araro ngunit lingon naman nang lingon ay hindi kapaki-pakinabang sa kaharian ng Diyos."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-