Tinawag ni Hesus si Levi
13 Muling pumunta si Hesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Maraming tao ang pumunta roon sa kanya, at tinuruan niya ang mga ito. 14 Habang naglalakad siya, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo. Nakaupo ito sa lugar kung saan siya naniningil ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, "Sumunod ka sa akin." Tumayo naman si Levi at sumunod kay Hesus.
15 Habang kumakain si Hesus at ang mga alagad niya sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang kumakaing kasama nila, dahil marami sa kanila ang sumusunod kay Hesus. 16 Nang makita ng mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na kasalo ni Hesus ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan, sinabi nila sa mga alagad niya, "Bakit kumakain siyang kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?"
17 Narinig iyon ni Hesus kaya sinagot niya ang mga ito, "Hindi ang mga taong walang sakit ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan."