Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno
18 Nang minsang nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at mga Pariseo, may mga taong lumapit kay Hesus at nagtanong, "Bakit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad, hindi tulad ng mga alagad ni Juan at ng mga Pariseo?"
19 Sumagot si Hesus, "Nag-aayuno ba ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila puwedeng mag-ayuno. 20 Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno."
21 Sinabi pa ni Hesus, "Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit. Kapag ginawa ito, mahihila ng bagong tela ang damit at lalo pang lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat."