Publicidade

1 Samuel 4

2 Sinugod ng mga Filisteo ang mga Israelita at tinalo ang mga ito; nasa apat na libong Israelita ang napatay nila. 3 Pagkatapos ng digmaan, bumalik ang mga natirang Israelita sa kampo nila. Tinanong sila ng mga tagapamahala ng Israel, "Bakit hinayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Mabuti pa sigurong kunin natin ang Kahon ng Kasunduan sa Silo para samahan tayo ng Panginoon at iligtas tayo sa mga kalaban natin."

4 Kaya ipinakuha nila sa Silo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng mga Hukbo. Ang takip ng Kahon ay may estatwa ng dalawang kerubin, at nananahan sa kalagitnaan nito ang Panginoon. Sumama sa pagdala ng Kahon ng Kasunduan ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

5 Nang madala na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon doon sa kampo, sumigaw nang malakas ang mga Israelita sa kasiyahan at yumanig ang lupa. 6 Nang marinig ng mga Filisteo ang sigawan ng mga Israelita, nagtanong sila, "Bakit kaya sumisigaw ang mga Hebreo sa kanilang kampo?"

Nang malaman nila na ang Kahon ng Panginoon ay nasa kampo ng mga Israelita, 7 natakot sila at sinabi, "May dumating na diyos sa kampo ng mga Israelita! Nanganganib tayo! Kahit kailan, hindi pa nangyayari ang ganito sa atin. 8 Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Sila rin ang mga diyos na pumatay sa mga Ehipsiyo sa disyerto sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga salot. 9 Kaya magpakatatag tayo, dahil kung hindi, magiging alipin tayo ng mga Hebreo gaya ng pang-aalipin natin sa kanila. Labanan natin sila."

10 Kaya nakipaglaban ang mga Filisteo at natalo ang mga Israelita. Napakarami ng napatay; 30,000 ang napatay na mga Israelita. Ang mga natira sa kanila ay tumakas pabalik sa kanilang tinitirhan. 11 Naagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan at napatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

Veja também

Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-07-05_19-25-13-