Ibinalik ang Kahon ng Kasunduan sa Israel
1 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng pitong buwan. Noong naroon pa ang Kahon, 2 ipinatawag ng mga Filisteo ang kanilang mga pari at manghuhula at nagtanong, "Ano ang gagawin namin sa Kahon ng Panginoon. Sabihin ninyo sa amin kung paano namin ito ibabalik sa kanyang lugar?"
3 Sumagot sila, "Kung ibabalik ninyo ang Kahon ng Diyos ng Israel, dapat samahan ninyo ito ng handog bilang kabayaran ng pagkakasala, sa pamamagitan nito, gagaling kayo at ihihinto na ng Diyos ang pagpaparusa sa inyo."