10 Kaya sinunod nila ito. Kumuha sila ng dalawang inahing baka at ikinabit sa kariton. Ikinulong naman sa kuwadra ang mga bisiro nito. 11 Isinakay nila ang Kahon ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may lamang mga ginto na hugis bukol at daga. 12 Pagkatapos, lumakad ang mga baka patungo sa Bet-semes na hindi man lang lumilihis ng daan habang patuloy na umuunga. Sumusunod sa kanila ang mga pinuno ng mga Filisteo hanggang sa hangganan ng Bet-semes.
13 Nag-aani noon ang mga taga-Bet-semes ng trigo sa lambak. Nang makita nila ang Kahon ng Kasunduan, tuwang-tuwa sila. 14,15 Dumating ang kariton sa bukid ni Josue na taga-Bet-semes, at tumigil sa tabi ng isang malaking bato. Kinuha ng mga Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at ang kahon na may lamang mga gintong estatwa, at ipinatong sa malaking bato. Pagkatapos, sinibak nila ang kariton at inialay ang mga baka sa Panginoon bilang handog na sinusunog, at nag-alay sila ng iba pang mga handog.