Publicidade

1 Reis 22

Pinaghanda ni Micaias si Ahab

1 Sa loob ng tatlong taon, walang nangyaring labanan sa pagitan ng Aram at ng Israel. 2 Subalit noong ikatlong taon, nakipagkita si Haring Jehoshafat ng Juda kay Ahab na hari ng Israel. 3 Sinabi ni Ahab sa kanyang mga opisyal, "Alam ninyo na atin ang Ramot-gilead. Ngunit bakit hindi tayo gumagawa ng paraan upang mabawi ito sa hari ng Aram?"

4 Kaya tinanong ni Ahab si Jehoshafat, "Sasáma ka ba sa amin sa pakikipaglaban sa Ramot-gilead?"

Sumagot si Jehoshafat kay Haring Ahab ng Israel, "Handa akong sumáma sa iyo at handa akong ipagamit sa iyo ang mga sundaloʼt mga kabayo ko. 5 Ngunit tanungin muna natin ang Panginoon kung ano ang sasabihin niya."

6 Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga propeta; apatnaraan silang lahat, at tinanong, "Dapat bang lusubin namin ang Ramot-gilead o hindi?" Sumagot sila, "Oo, pumunta kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!"

7 Ngunit nagtanong si Jehoshafat, "Wala na bang iba pang propeta ng Panginoon dito na mapagtatanungan natin?"

8 Sumagot si Haring Ahab kay Jehoshafat, "May isa pang maaari nating mapagtanungan – si Micaias na anak ni Imla. Ngunit napopoot ako sa kanya dahil wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan."

Sumagot si Jehoshafat, "Hindi ka dapat magsalita ng ganyan."

9 Kaya ipinatawag ni Ahab ang isa sa kanyang mga opisyal at sinabi, "Dalhin nʼyo agad dito si Micaias na anak ni Imla."

10 Ngayon, sina Haring Ahab ng Israel at Haring Jehoshafat ng Juda, na nakasuot ng kanilang damit panghari, ay nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng giikan na nasa bandang pintuang-bayan ng Samaria. At nakikinig sila sa sinasabi ng mga propeta. 11 Si Zedequias na isa sa mga propeta na anak ni Quenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal. Sinabi niya, "Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, lilipulin mo, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ "

12 Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, "Haring Ahab, lusubin nʼyo ang Ramot-gilead, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon."

13 Samantala, ang mga inutusan para puntahan at isama si Micaias ay nagsabi, "Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabi na magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang sabihin mo."

14 Ngunit sinabi ni Micaias, "Nanunumpa ako sa buháy na Panginoon, na sasabihin ko lang ang ipinasasabi niya sa akin."

15 Pagdating ni Micaias kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, "Micaias, lulusubin ba namin ang Ramot-gilead o hindi?"

Sumagot si Micaias, "Lusubin ninyo at magtatagumpay kayo, dahil ipapatalo ito ng Panginoon sa inyo."

16 Ngunit sinabi ng hari kay Micaias, "Ilang beses ba kitang panunumpain na sabihin mo sa akin ang totoo sa pangalan ng Panginoon?"

17 Kaya sinabi ni Micaias, "Nakita ko sa pangitain na nakakalat ang mga Israelita sa mga kabundukan gaya ng mga tupa na walang nagbabantay, at nagsabi ang Panginoon, ‘Ang mga taong itoʼy wala nang pinuno. Matiwasay nʼyo silang pauwiin.’ "

18 Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, "Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?"

19 Sinabi pa ni Micaias, "Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at may mga makalangit na nilalang na nakatayo sa kanyang kaliwa at kanan. 20 At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab para lusubin ang Ramot-gilead upang mamatay siya roon?’

"Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang. 21 At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’

22 "Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa papaanong paraan?’ Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ "

23 At sinabi ni Micaias, "At ngayon pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasabi sa kanila ng kasinungalingan. Itinakda ng Panginoon na matalo ka."

24 Lumapit si Zedequias kay Micaias at sinampal ito. Sinabi ni Zedequias, "Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?"

25 Sumagot si Micaias, "Malalaman nʼyo ito sa araw na matatalo kayo sa labanan at magtatago sa kaloob-loobang kuwarto ng bahay."

26 Nag-utos agad si Haring Ahab, "Dakpin nʼyo si Micaias at dalhin pabalik kay Amon na pinuno ng lungsod at kay Joas na aking anak. 27 At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito. Tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang sa makabalik akong ligtas mula sa labanan."

28 Sinabi ni Micaias, "Kung makakabalik kayo nang ligtas, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko." At sinabi ni Micaias sa lahat ng tao roon, "Tandaan nʼyo ang sinabi ko!"

Namatay si Ahab

29 Kaya lumusob sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda. 30 Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, "Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, ngunit ikaw magsuot ka ng iyong damit panghari." Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.

31 Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa tatlumpuʼt dalawang kumander ng kanyang mga mangangarwahe, "Huwag kayong makikipaglaban sa kahit sino, kundi sa hari lang ng Israel." 32 Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Ngunit nang sumigaw si Jehoshafat, 33 nalaman ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel kaya huminto sila sa paghabol sa kanya.

34 Ngunit habang pinapana ng isang sundalong Arameo ang mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, "Ilayo mo ako dito sa labanan dahil nasugatan ako." 35 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal na lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo. Dumaloy ang dugo niya sa karwahe, at namatay siya kinahapunan. 36 Nang papalubog na ang araw, may sumigaw sa mga sundalo ng Israel, "Ang bawat isa ay magsiuwi na sa kani-kanilang lugar!"

37 Nang mamatay ang hari ng Israel, dinala ang kanyang bangkay sa Samaria, at doon inilibing. 38 Hinugasan nila ang karwahe sa paliguan sa Samaria, kung saan naliligo ang mga babaeng bayaran, at ang dugo niya ay dinilaan ng mga aso. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon.

39 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahab, at ang lahat ng ginawa niya, pati ang pagpapatayo niya ng magandang palasyo, at pagpapatibay ng mga lungsod ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 40 Nang mamatay si Ahab, ang anak niyang si Ahazias ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Jehoshafat sa Juda

41 Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel. 42 Si Jehoshafat ay tatlumpuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawampuʼt limang taon. Ang kanyang ina ay si Azuba na anak ni Silhi. 43 Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Ngunit hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso roon. 44 May magandang relasyon din si Jehoshafat sa hari ng Israel.

45 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoshafat, at ang mga pagtatagumpay sa labanan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 46 Pinalayas niya ang mga lalaking nagbebenta ng aliw sa mga sambahan sa matataas na lugar, na hindi umalis noong panahon ng ama niyang si Asa. 47 Nang panahong iyon ay walang hari sa Edom; pinamamahalaan lang ito ng isang pinuno na pinili ni Jehoshafat.

48 May ipinagawa si Jehoshafat na mga barko na pangkalakal na naglalayag sa Ofir para kumuha ng ginto. Ngunit hindi nakapaglayag ang mga ito dahil nasira pagdating sa Ezion-geber. 49 Nang panahong iyon, sinabi ni Ahazias na anak ni Ahab kay Jehoshafat, "Pasamahin mo ang aking mga tauhan sa iyong mga tauhan sa kanilang paglalayag." Ngunit hindi pumayag si Jehoshafat.

50 Namatay si Jehoshafat at inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. Ang anak niyang si Jehoram ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahazias sa Israel

51 Naging hari ng Israel si Ahazias na anak ni Ahab noong ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Ahazias, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. 52 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, dahil sumunod siya sa kanyang amaʼt ina, at kay Jeroboam na anak ni Nebat, na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. 53 Sumamba siya at naglingkod kay Baal. Katulad ng ginawa ng kanyang ama, ginalit din niya ang Panginoon, ang Diyos ng Israel.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-