1 Ito ang mensahe ng Panginoon laban kay Baasa na sinabi niya sa pamamagitan ni Jehu na anak ni Hanani: 2 "Pinabangon kita mula sa lupa, at ginawang pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Pero sinunod mo ang pamumuhay ni Jeroboam at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng aking mga mamamayan, at ginalit mo ako dahil sa kanilang mga kasalanan. 3 Kaya papatayin kita at lilipulin ko ang iyong pamilya katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat. 4 Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon."
5 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Baasa, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 6 Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. At ang anak niyang si Elah ang pumalit sa kanya bilang hari.
7 Ang mensaheng iyon ng Panginoon laban kay Baasa at sa pamilya niya ay sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani. Sinabi iyon ng Panginoon dahil sa lahat ng masasamang ginawa nito sa paningin ng Panginoon. Ginalit niya ang Panginoon dahil sa mga ginawa niya na katulad ng ginawa ng pamilya ni Jeroboam, at dahil sa kanyang pagpatay sa buong pamilya ni Jeroboam.
8 Noong ikadalawampuʼt anim na taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Elah na anak ni Baasa. Sa Tirza siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawang taon.
9 Si Zimri, na isa sa mga opisyal niya at kumander ng kalahati ng kanyang mga mangangarwahe ay nagbalak ng masama laban sa kanya. Isang araw, naglasing si Elah sa Tirza, sa bahay ni Arsa na siyang tagapamahala ng palasyo roon. 10 Pumasok si Zimri sa bahay at pinatay niya si Ela. Nangyari ito noong ikadalawampuʼt pitong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Zimri ang pumalit kay Elah bilang hari.
11 Pagkaupo ni Zimri bilang hari, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Baasa. Wala siyang itinirang lalaki, kahit sa mga kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. 12 Nilipol ni Zimri ang buong pamilya ni Baasa ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu, 13 dahil sa mga kasalanang ginawa nila na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita sa pamamagitan ng pagsamba sa walang kuwentang mga diyos-diyosan. Ito ang dahilan na nagalit kina Baasa at ng anak niyang si Elah ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
14 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Elah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
15 Noong ikadalawampuʼt pitong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Zimri. Doon siya tumira sa Tirza, ngunit pitong araw lang ang itinagal ng paghahari niya. Kasalukuyang nakakampo ang mga sundalo ng Israel malapit sa Gibeton na isang bayan ng mga Filisteo. 16 Nabalitaan nila na pinatay ni Zimri ang hari. Kaya nang araw ding iyon sa kampo, ginawa nilang hari ng Israel si Omri na kumander ng mga sundalo ng Israel.
17 Umalis agad sa Gibeton si Omri at ang mga lahat ng kasama niyang mga Israelita, at sinalakay nila ang Tirza. 18 Nang makita ni Zimri na naaagaw na ang lungsod, pumunta siya sa tore ng palasyo at sinunog ang paligid nito, kaya nasunog siya at namatay. 19 Nangyari ito dahil sa mga kasalanang ginawa niya. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Namuhay siyang katulad ni Jeroboam, at ginawa rin niya ang kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
20 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Zimri at ang tungkol sa pagrerebelde niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
21 Nahati ang mga mamamayan ng Israel sa dalawang grupo. Ang isang grupo ay gustong maging hari si Tibni na anak ni Ginat, at ang isang grupo naman ay gusto si Omri. 22 Ngunit mas malakas ang mga pumapanig kay Omri kaysa sa mga pumapanig kay Tibni na anak ni Ginat. Namatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.
23 Noong ikatatlumpuʼt isang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging si Omri sa Israel. Naghari siya sa loob ng labindalawang taon; ang anim na taon nito ay doon sa Tirza. 24 Binili niya kay Shemer ang bundok ng Samaria ng anim na libong pirasong pilak, at pinatayuan niya ito ng lungsod na tinawag niyang Samaria, mula sa pangalan ni Shemer na siyang dating nagmamay-ari ng bundok.
25 Masama ang ginawa ni Omri sa paningin ng Panginoon, at nagkasala siya nang higit pa sa mga haring nauna sa kanya. 26 Namuhay siyang katulad ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ginawa rin niya ang kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. Dahil sa pagsamba nila sa mga walang kuwentang mga diyos-diyosan, ginalit nila ang Panginoon, ang Diyos ng Israel.
27 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Omri, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 28 Namatay si Omri at inilibing siya sa Samaria. Ang anak niyang si Ahab ang pumalit sa kanya bilang hari.
29 Noong ikatatlumpuʼt walong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Ahab na anak ni Omri. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawampuʼt dalawang taon. 30 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, higit pa sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. 31 Kulang pa sa kanya ang pagsunod sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam, kinuha pa niyang maging asawa si Jezebel na anak ni Haring Etbaal ng mga Sidoneo. At mula noon, naglingkod siya at sumamba sa diyos-diyosang si Baal. 32 Nagpatayo siya ng templo at altar para kay Baal doon sa Samaria. 33 Nagpagawa rin siya ng mga posteng imahen ng diyosang si Ashera. Ginalit niya ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, higit pa sa ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
34 Noong panahon ng paghahari ni Ahab, muling ipinatayo ni Hiel na taga-Betel ang Jerico. Habang ipinapatayo niya ang mga pundasyon nito, namatay ang panganay niyang anak na si Abiram. At habang ipinapagawa naman niya ang mga pintuan nito, namatay ang bunso niyang anak na si Segub. Nangyari ang lahat ng ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.