Publicidade

2 Coríntios 2

1 Naisip kong huwag na munang pumunta dʼyan kung makapagdudulot lang naman ng kalungkutan ang pagdalaw ko sa inyo. 2 Kayo lang ang nagpapasaya sa akin. Ngunit kung magiging malungkot kayo nang dahil sa akin, papaano pa ninyo ako mapapasaya? 3 Iyan ang dahilan kung bakit sumulat ako sa inyo noon. Ayaw kong sa pagpunta ko diyan ay maging malungkot ang mga taong dapat sanaʼy magpapaligaya sa akin. At natitiyak kong ang kaligayahan ko ay kaligayahan din ninyong lahat. 4 Sumulat ako noon sa inyo kalakip ang matinding lungkot at pag-aalala na may kasamang pagluha, hindi upang maghinagpis kayo kundi dahil nais kong ipakita kung gaano ko kayo kamahal.

Pagpapatawad para sa Nagkasala

5 Ngayon, tungkol naman sa taong nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi lamang ako ang binigyan niya ng kalungkutan. Ayaw kong magmalabis, ngunit nagbigay din siya ng kalungkutan sa inyong lahat. 6 Ngunit sapat na ang kaparusahang ibinigay ninyo sa kanya. 7 Kaya patawarin na ninyo siya at patatagin, dahil baka maging labis ang kanyang hinagpis at tuluyang panghinaan ng loob. 8 Nakikiusap ako na ipakita ninyo sa kanya na mahal nʼyo pa rin siya. 9 At ito nga ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo, dahil gusto kong subukin kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng bilin ko. 10 Kung pinatawad na ninyo ang taong nagkasala, pinatawad ko na rin siya. At kung nagpatawad man ako, saksi si Kristo na ginawa ko iyon alang-alang sa inyo. 11 Hindi tayo dapat malamangan ni Satanas. Sapagkat alam naman natin ang mga pakana niya.

Mga Lingkod ng Bagong Tipan

12 Noong dumating ako sa Troas para ipangaral ang Magandang Balita tungkol kay Kristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon na magawa iyon. 13 Subalit hindi ako mapalagay dahil hindi ko nakita roon ang kapatid nating si Tito. Kaya nagpaalam ako sa mga mananampalataya roon at pumunta sa Macedonia.

14 Ngunit salamat sa Diyos dahil palagi siyang nangunguna sa ating parada ng tagumpay dahil tayoʼy nakay Kristo. At ngayon ginagamit kami ng Diyos para ipakilala si Kristo sa mga tao. Itoʼy ipinapalaganap namin na parang halimuyak ng pabango. 15 Sapagkat kamiʼy mabangong handog na iniaalay ni Kristo sa Diyos, at naaamoy ng mga taong naliligtas at ng napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, itoʼy alingasaw na nagdadala ng kamatayan, ngunit sa mga naliligtas, itoʼy halimuyak na nagbibigay ng buhay. Sino ang may kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? 17 Hindi kami tulad ng marami diyan na ginagawang negosyo ang salita ng Diyos upang magkapera. Alam naming nakikita kami ng Diyos, kaya bilang mga mananampalataya ni Kristo at sugo ng Diyos, tapat naming ipinapangaral ang kanyang salita.

Veja também

Publicidade
2 Coríntios
Ver todos os capítulos de 2 Coríntios
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-