1 Bilang mga katuwang sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong balewalain ang biyaya ng Diyos na inyong natanggap. 2 Sapagkat sinabi ng Diyos,
"Dininig kita sa tamang panahon,
at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan."
Kaya sinasabi ko sa inyo, ngayon na ang tamang panahon! Ngayon na ang araw ng kaligtasan.
3 Hindi kami gumagawa ng kahit na anong ikakatisod ng ibang tao, upang hindi mapintasan ang paglilingkod namin sa Diyos. 4 Sa lahat ng aming ginagawa, sinisikap naming ipakita na kami ay totoong mga lingkod ng Diyos. Tinitiis namin ang anumang hirap, pasakit, kagipitan, 5 pambubugbog, pagkakakulong, at panggugulo ng mga galit na tao. Sobrang pagod kami sa pagtatrabaho, halos wala kaming tulog at wala ring makain. 6 Nakikita sa amin ang malinis na puso, kaalaman, pagtitiyaga at kagandahang-loob, ang patnubay ng Banal na Espiritu, ang tapat na pag-ibig, 7 at tapat na pananalita, at ang kapangyarihan ng Diyos. Ang aming pagiging matuwid ang sandata namin na panlaban at panangga sa kaaway. 8 Kami ay pinararangalan at hinahamak, sinisiraan at pinupuri. Itinuturing kaming mga manlilinlang, kahit kamiʼy tapat. 9 Tanyag kami, bagamaʼt may mga hindi kumikilala sa amin. Palagi kaming nasa bingit ng kamatayan, ngunit buháy pa rin hanggang ngayon. Pinaparusahan kami ngunit hindi pinapatay. 10 Itinuturing kaming nalulungkot, ngunit palagi kaming masaya. Mahirap lang kami, ngunit marami kaming pinapayaman. Wala kaming pag-aari sa mundong ito, ngunit ang totoo, sagana kami sa lahat ng bagay.
11 Mga taga-Corinto, naging tapat kami sa aming pananalita sa inyo at binuksan namin ang aming mga puso para sa inyo. 12 Hindi kami nagkulang sa pagmamahal sa inyo. Kayo ang nagkulang sa pagmamahal sa amin. 13 Nakikiusap ako sa inyo tulad ng isang ama sa kanyang mga anak: Buksan ninyo ang inyong mga puso para sa amin.
14 Huwag kayong makisama sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan, gaya ng liwanag at dilim, hindi rin sila maaaring magsama. 15 At kung paanong hindi magkasundo si Kristo at si Satanas., ganoon din naman ang mananampalataya at ang hindi mananampalataya. 16 Hindi maaaring magsama ang mga diyos-diyosan at ang Diyos sa iisang templo. At tayo ang Templo ng Diyos na buháy! Gaya ng sinabi ng Diyos,
"Mananahan akoʼt mamumuhay sa kanilang piling.
Akoʼy magiging Diyos nila,
at silaʼy magiging mga taong sakop ko."
17 "Kaya lumayo kayo at humiwalay sa kanila.
Layuan ninyo ang itinuring na marumi
at tatanggapin ko kayo."
18 "At akoʼy magiging Ama ninyo,
at kayo namaʼy magiging mga anak ko.
Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito."