Publicidade

2 Coríntios 9

1 Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga hinirang ng Diyos, 2 dahil alam ko namang gustong-gusto ninyong tumulong. Ipinagmamalaki ko pa nga ito sa mga taga-Macedonia. Sinabi ko sa kanila na mula pa noong nakaraang taon, kayong mga taga-Acaya ay handa nang magbigay ng tulong, at ito nga ang nagtulak sa karamihan sa kanila na magbigay din. 3 Kaya nga pinauna ko na diyan sina Tito, upang matiyak na handa na kayo sa inyong tulong gaya ng ipinagmalaki ko sa mga taga-Macedonia. Sa ganoon, hindi nila masasabing walang kuwenta ang pagmamalaki namin tungkol sa inyo. 4 Sapagkat kung dumating ako diyan kasama ang ilang mga taga-Macedonia at makita nilang hindi pa pala kayo handa sa inyong ibibigay gaya ng sinabi ko sa kanila, mapapahiya ako at pati na rin kayo. 5 Kaya nga naisip kong paunahin ang mga kapatid na ito sa akin upang habang hindi pa ako nakakarating ay malikom na ang inyong mga ipinangakong tulong. At sa ganitong paraan, makikita ng mga tao na kusang-loob ang inyong pagbibigay, at hindi dahil napilitan lamang.

Paghikayat sa Pagiging Mapagbigay

6 Tandaan ninyo ito: Ang naghahasik ng kaunti ay umaani ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay umaani ng marami. 7 Ang bawat isa sa inyo ay magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili, at hindi sapilitan, dahil mahal ng Diyos ang mga nagbibigay nang may kagalakan. 8 At káyang ibigay ng Diyos sa inyo ang kanyang nag-uumapaw na biyaya nang higit pa sa inyong pangangailangan, para sa lahat ng panahon ay maging sapat kayo sa lahat ng bagay, at nag-uumapaw rin ang inyong mabubuting gawa. 9 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan:

"Namigay siya sa mga dukha;

kailanman ay hindi makakalimutan

ang kanyang mabubuting gawa."

10 Ang Diyos na nagbibigay ng binhi sa magsasaka at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay ng inyong mga pangangailangan upang lalo pa kayong makatulong sa iba. 11 Pasasaganain kayo ng Diyos sa lahat ng bagay upang palagi kayong makatulong sa iba. At marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa tulong na ipinapadala ninyo sa kanila sa pamamagitan namin.

12 Dahil sa inyong pagbibigay, hindi lamang ninyo natutugunan ang pangangailangan ng mga mananampalataya, kundi magiging dahilan din ito upang marami ang magpasalamat sa Diyos. 13 Sapagkat pinatutunayan ninyo sa inyong pagtulong na sinusunod ninyo ang Magandang Balita tungkol kay Kristo na inyong pinaniniwalaan. At dahil sa pagtulong ninyo sa kanila at sa iba pa, papupurihan nila ang Diyos. 14 Buong puso silang mananalangin para sa inyo dahil sa dakilang biyaya ng Diyos na ipinamalas sa inyo. 15 Pasalamatan natin ang Diyos sa kanyang kaloob na hindi natin kayang ipaliwanag.

Veja também

Publicidade
2 Coríntios
Ver todos os capítulos de 2 Coríntios
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-