Publicidade

2 Coríntios 4

Ang Kasalukuyang Kahinaan at ang Pagkabuhay Muli

1 Dahil sa awa ng Diyos, pinili niya kami para ipahayag ang kanyang bagong pamamaraan, kaya naman hindi kami pinanghihinaan ng loob. 2 Tinalikuran namin ang mga kahiya-hiya at patagong gawain. Hindi kami nanlilinlang, at hindi rin namin binabaluktot ang salita ng Diyos. Pawang katotohanan ang ipinangangaral namin. Alam ito ng Diyos, at malinis ang aming konsensiya sa harap ng tao. 3 Ngunit kung may mga hindi nakakaintindi sa Magandang Balita na aming ipinapahayag, ito ay ang mga taong napapahamak. 4 Ayaw nilang maniwala sa Magandang Balita dahil ang kanilang mga isipan ay binulag ni Satanas na naghahari sa mundong ito. Binulag niya sila upang hindi nila maintindihan ang Magandang Balita tungkol sa kapangyarihan ni Kristo, na siyang larawan ng Diyos. 5 Hindi namin ipinangangaral ang aming mga sarili kundi si Hesu-Kristo, na siyang Panginoon. Naglilingkod kami sa inyo dahil kay Hesus. 6 Sapagkat ang Diyos na nagsabing, "Magkaroon ng liwanag sa kadiliman," ang siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isipan para maunawaan namin ang kapangyarihan ng Diyos na nahayag kay Hesu-Kristo.

7 Nasa amin ang kayamanang ito, ngunit tulad lang kami ng palayok na pinaglagyan nito upang maipakita ang hindi mapapantayang kapangyarihan ay mula sa Diyos, hindi sa amin. 8 Ginigipit kami sa lahat ng paraan, ngunit hindi nalulupig. Nalilito kami, ngunit hindi nawawalan ng pag-asa. 9 Inuusig kami, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Diyos. Pinapabagsak kami, ngunit hindi tuluyang nalulugmok. 10 Sa aming paghihirap, patuloy na nakikibahagi ang aming katawan sa kamatayan ni Hesus, upang sa pamamagitan nito ay makita rin ang buhay ni Hesus sa aming katawan. 11 Sapagkat habang kamiʼy buhay pa, palagi kaming nasa bingit ng kamatayan dahil sa paglilingkod namin kay Hesus, upang sa pamamagitan ng aming katawang namamatay, makita rin ang buhay niya. 12 Kaya kahit nasa bingit kami ng kamatayan, nagdudulot naman ito ng buhay para sa inyo.

13 Sinasabi sa Kasulatan, "Sumampalataya ako, kaya nagsalita ako." Ganoon din ang aming ginagawa: Sumasampalataya kami, kaya nagsasalita kami. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Hesus ang siya ring bubuhay sa amin, tulad ng ginawa niya kay Hesus, at dadalhin niya tayong lahat sa kanya. 15 Ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ninyo, upang habang dumarami ang tumatanggap sa biyaya ng Diyos ay dumarami rin ang magpapasalamat, at ito ay ikaluluwalhati niya.

16 Kaya iyan ang dahilan kung bakit hindi kami pinanghihinaan ng loob. Kahit na dahan-dahang nanghihina ang aming katawan, patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Sapagkat ang mga paghihirap na dinaranas namin sa mundong ito ay panandalian lamang. Ngunit nagdudulot ito ng kaluwalhatiang mananatili magpakailanman at hindi mapapantayan ng anuman. 18 Kaya hindi nakatuon ang aming mga mata sa mga bagay na nakikita kundi sa mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, ngunit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Veja também

Publicidade
2 Coríntios
Ver todos os capítulos de 2 Coríntios
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-