1 Sa gabi, habang akoʼy nakahiga,
nananabik ako sa aking minamahal.
Hinahanap-hanap ko siya,
subalit hindi makita.
2 Kaya bumangon akoʼt nilibot ang lungsod,
mga lansangan, at mga liwasan.
Hinanap ko ang aking mahal,
pero hindi ko siya makita.
3 Nakita ako ng mga guwardiya
na naglilibot sa lungsod.
Tinanong ko sila,
"Nakita ba ninyo ang minamahal ng puso ko?"
4 Hindi pa man ako nakakalayo sa kanila,
nakita ko ang mahal ko.
Hinawakan ko siya ng buong higpit
at hindi binitiwan hanggang nadala ko siya
sa bahay ng aking ina,
doon sa silid kung saan ako nabuo.
5 Kayong mga dalaga ng Jerusalem,
mangako kayo sa pamamagitan
ng mga batang usa at gasela,
na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig
ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating
ang tamang panahon.
6 Sino kaya itong dumarating mula sa ilang
na tila makapal na usok na amoy mira
at insensong itinitinda ng mangangalakal?
7 Tingnan ninyo!
Iyan ang karwahe ni Solomon na napapalibutan
ng animnapung pinakamagagaling na kawal ng Israel.
8 Lahat silaʼy mayroong espada
at bihasa sa pakikipaglaban.
Laging handa
kahit sa gabi man sumalakay.
9 Ang karwaheng iyon
na ipinagawa ni Haring Solomon
ay yari sa kahoy na galing sa Lebanon.
10 Nababalot sa pilak ang haligi nito
at palamuting ginto ang tumatakip dito.
Ang kutson ng upuan
ay binalot sa telang kulay ube
at mga babaeng taga-Jerusalem
ang nagpaganda ng loob ng karwahe.
11 Lumabas kayo,
kayong mga dalaga ng Jerusalem,
at tingnan ninyo si Haring Solomon na may korona.
Ipinutong ito sa kanya ng kanyang ina
sa araw ng kanyang kasal,
ang araw na buong puso niyang ikinagalak.