1 Kung naging kapatid lamang sana kita,
na pinasuso ng aking ina,
hahalikan kita
saanman tayo magkita,
at hindi nila ako pag-iisipan ng masama.
2 Dadalhin kita sa bahay ng aking ina,
kung saan akoʼy tinuruan niya.
Paiinumin kita ng mabangong alak
na mula sa katas
ng aking mga pomegranata.
3 Nasa ilalim ng ulo ko
ang kaliwang bisig mo,
at ang kanang bisig mo namaʼy
niyayakap ako.
4 Kayong mga babae ng Jerusalem,
mangako kayo
na hindi ninyo hahayaan
na ang pag-ibig ay umusbong
hanggaʼt hindi pa dumarating
ang tamang panahon.
5 Sino kaya itong dumarating mula sa ilang
na nakahilig sa kanyang minamahal?
Ginising ko ang iyong damdamin,
doon sa ilalim ng puno ng mansanas,
kung saan ka isinilang.
6 Iukit mo ang pangalan ko
sa puso mo
upang patunayan na ako
lamang ang mahal mo.
At ako lamang ang yayakapin
ng mga bisig mo.
Makapangyarihan ang pag-ibig
gaya ng kamatayan;
maging ang pagnanasa
ay hindi mapipigilan.
Ang pag-ibig ay parang lumiliyab
at lumalagablab na apoy.
7 Kahit laksa-laksang tubig,
hindi ito mapipigilan.
Sinumang magtangkang bilhin ito
kahit ng lahat niyang yaman
ay baka malagay lamang sa kahihiyan.
8 May kapatid kaming dalagita,
at ang kanyang dibdib
ay hindi pa nababakas.
Ano ang aming gagawin
sa araw na siyaʼy ipagkasundo
upang ikasal?
9 Siya ba ay tulad ng isang pader?
Magtatayo kami ng mga tore ng pilak
sa ibabaw niya.
Siya ba ay tulad ng isang pinto?
Babarikadahan namin siya ng tablang sedro.
10 Ako ngaʼy isang pader,
at ang dibdib koʼy parang mga tore.
Kaya sa paningin ng aking mahal
pinapanatag ko siya.
11 May ubasan si Solomon sa Baal-hamon
na kanyang pinauupahan
sa mga magsasaka roon.
Bawat isa sa kanilaʼy nagbibigay sa kanya
ng isang libong piraso ng pilak
bilang parte niya sa ubasan.
12 Ikaw ang bahala Solomon,
kung ang parte mo
ay isang libong piraso ng pilak
at ang parte ng mga magsasaka
ay dalawandaang piraso ng pilak.
Ngunit ako na ang bahala
sa sarili kong ubasan.
13 O irog kong namamasyal sa hardin,
mabuti pa ang mga kaibigan mo,
naririnig nila ang iyong tinig.
Iparinig mo rin ito sa akin.
14 Halika, aking mahal.
Tumakbo ka nang mabilis
gaya ng usa sa kabundukan
na punong-puno ng mga halamang ginagawang pabango.