Publicidade

Números 13

Ang mga Espiya

1 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 "Magpadala ka ng mga tao bilang espiya sa Canaan – ang lupain na ibibigay ko sa inyong mga Israelita. Ang mga tao na iyong ipapadala ay ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel."

3 Kaya sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinadala niya sa Canaan ang mga pinuno ng mga Israelita mula roon sa Disyerto ng Paran.

4 Ito ang mga lahi at mga pangalan nila:

mula sa lahi ni Ruben, si Shamua na anak ni Zacur;

5 mula sa lahi ni Simeon, si Shafat na anak ni Hori;

6 mula sa lahi ni Juda, si Caleb na anak ni Jefune;

7 mula sa lahi ni Isacar, si Igal na anak ni Jose;

8 mula sa lahi ni Efraim, si Hoshea na anak ni Nun;

9 mula sa lahi ni Benjamin, si Palti na anak ni Rafu;

10 mula sa lahi ni Zebulun, si Gadiel na anak ni Sodi;

11 mula sa lahi ni Manases na anak ni Jose, si Gadi na anak ni Susi;

12 mula sa lahi ni Dan, si Amiel na anak ni Gemali;

13 mula sa lahi ni Asher, si Seteur na anak ni Micael;

14 mula sa lahi ni Neftali, si Nabi na anak ni Vofsi;

15 mula sa lahi ni Gad, si Geuel na anak ni Maki.

16 Sila ang mga tao na ipinadala ni Moises para mag-espiya sa Canaan. (Pinalitan ni Moises ng Josue ang pangalan ni Hoshea na anak ni Nun.)

17 Bago sila pinaalis ni Moises para mag-espiya sa Canaan, sinabi ni Moises sa kanila, "Maglakad kayo pahilaga at pumunta sa Negeb, at dumiretso sa kabundukan. 18 Tingnan ninyo kung ano ang itsura ng lupain, at kung malakas ba o mahina ang mga tao roon, at kung marami sila o kaunti lang. 19 Tingnan ninyo kung anong klase ng lupain ang kanilang tinitirhan, kung mabuti o hindi. Tingnan ninyo ang kanilang bayan kung napapalibutan ng pader o hindi. 20 Tingnan din ninyo kung masagana ang lupa o hindi, at kung may mga puno o wala. At pagsikapan ninyong makapagdala ng prutas sa inyong pagbalik." (Panahon noon ng paghinog ng ubas.)

21 Kaya naglakad sila at tinanaw nila ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob malapit sa Lebo-hamat. 22 Nag-umpisa sila sa Negeb hanggang sa nakarating sila sa Hebron, kung saan nakatira sina Ahiman, Sesai at Talmai, na mga lahi ni Anak. (Itinayo ang Hebron pitong taon bago itinayo ang Zoan sa Ehipto.) 23 Pagdating nila sa Lambak ng Eshcol, pumutol sila ng isang kumpol ng ubas. Masyadong mabigat ito kaya itinali nila ito sa isang tukod at magkatulong na binuhat ng dalawang tao. Nagdala rin sila ng mga prutas na pomegranata at igos. 24 Tinatawag ang lugar na iyon na Lambak ng Eshcol dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita.

Ang Ulat ng mga Espiya

25 Pagkatapos ng apatnapung araw na pag-espiya sa lupain, bumalik sila 26 kina Moises, Aaron at sa buong mamamayan ng Israel sa Kades, doon sa disyerto ng Paran. Sinabi nila sa buong kapulungan ang kanilang nakita, at ipinakita nila ang kanilang dalang mga prutas. 27 Sinabi nila kay Moises, "Pumunta kami sa lugar na pinapuntahan mo sa amin, at ito ngaʼy lupaing masagana sa gatas at pulot. Sa katunayan, heto ang mga prutas. 28 Ngunit makapangyarihan ang mga taong nakatira roon, at malalaki ang kanilang mga lungsod at napapalibutan ng mga pader. Nakita pa namin ang mga lahi ni Anak. 29 Nakatira ang mga Amalekita sa Negeb; ang mga Heteo, Jebuseo at mga Amoreo sa kabundukan; at ang mga Cananeo naman ay nakatira malapit sa dagat at sa Kapatagan ng Jordan."

30 Pinakalma ni Caleb ang mga tao sa harapan ni Moises, at sinabi niya, "Lalakad tayo at sasakupin natin ang lupain, dahil nasisiguro kong maaagaw natin ito."

31 Ngunit sinabi ng mga tao na sumáma kay Caleb para mag-espiya, "Hindi natin makakaya ang pagsalakay sa kanila dahil mas malakas sila sa atin." 32 At ipinalaganap nila sa mga Israelita ang masamang balita tungkol sa lupain na kanilang tiningnan. Ito ang kanilang sinabi, "Hindi maganda ang lupaing nakita namin doon, at hindi lang iyan, malalaki ang mga taong nakita namin doon, sobrang tangkad. 33 May nakita pa kaming mga higante,. Tingnan sa Gen. 6:1‑4. na mga lahi ni Anak. Pakiramdam namiʼy mga tipaklong lang kami kumpara sa kanila, at ganyan din ang kanilang tingin sa amin."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-