1 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 "Sabihin mo sa mga Israelita na ang bawat pinuno ng bawat lahi ay magbibigay sa iyo ng isang tungkod at isulat doon ang kani-kanilang pangalan. Labindalawa lahat ang baston. 3 Sa baston ng lahi ni Levi, isulat mo ang pangalan ni Aaron sapagkat kailangang may isang baston sa bawat pinuno ng lahi. 4 Ilagay mo ang lahat ng ito sa Toldang Tipanan, sa harapan ng Kahon ng Kasunduan kung saan ako nakikipagkita sa inyo ni Aaron. 5 At ang baston ng taong pipiliin kong maglilingkod sa akin bilang pari ay sisibulan at sa pamamagitan nito, titigil ang pagrereklamo ng mga Israelita laban sa inyo ni Aaron."
6 Kaya sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, at ang bawat pinuno ng lahi ay nagbigay sa kanya ng baston. Ang lahat ng baston ay labindalawa at isa rito ang kay Aaron. 7 Inilagay ni Moises ang lahat ng baston sa presensya ng Panginoon doon sa Toldang Tipanan.
8 Kinaumagahan, pumasok si Moises sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan at nakita niya na ang baston ni Aaron, na kumakatawan sa lahi ni Levi ay hindi lang sumibol kundi nagkabuko pa, namulaklak, at namunga ng almendra. 9 Pagkatapos, inilabas ni Moises ang lahat ng baston mula sa presensya ng Panginoon at ipinakita sa lahat ng mga Israelita. Tiningnan nila ito, at kinuha ng bawat pinuno ng lahi ang kani-kanilang baston.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, "Ibalik ang baston ni Aaron sa harapan ng Kahon ng Kasunduan upang maging babala ito sa mga rebelde na mamamatay sila kung hindi sila titigil sa pagrerebelde laban sa akin." 11 Tinupad ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon.
12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, "Mamamatay kami nitong lahat! 13 Dahil sinumang lumapit sa Tolda ng Panginoon ay mamamatay. Mamamatay na ba kaming lahat?"