1,2 Ngayon, nagrebelde kay Moises si Kora na anak ni Izar, mula sa angkan ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa pag-aaklas sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na mula sa lahi ni Ruben. Kasama nila ang 250 lalaking Israelita na kilala at pinili ng mga pinuno mula sa kapulungan ng Israel. 3 Pumunta silang lahat kina Moises at Aaron, at sinabi, "Sobra na ang ginagawa nʼyo sa amin, ang buong sambayanan ay banal at nasa gitna nila ang presensya ng Panginoon, kaya bakit ninyo ginagawang mas mataas ang inyong sarili nang higit sa aming lahat?"
4 Pagkarinig nito ni Moises, nagpatirapa siya. 5 Pagkatapos, sinabi niya kay Kora at sa lahat ng kanyang tagasunod, "Bukas ng umaga, ipapahayag ng Panginoon kung sino ang totoong pinili niya na maglingkod sa kanya bilang mga pari dahil palalapitin niya sila sa kanyang harapan. 6 Kaya, ikaw Kora, at ang lahat ng iyong tagasunod ay ganito ang gagawin: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso 7 at bukas ay lagyan ninyo ito ng baga at insenso, at dalhin sa harapan ng Panginoon. Pagkatapos, makikita natin kung sino ang pinili ng Panginoon na maglingkod sa kanya. Kayong mga Levita, sumusobra na ang mga ginagawa ninyo!"
8 Sinabi pa ni Moises kay Kora, "Pakinggan ninyo ito, kayong mga Levita. 9 Hindi pa ba sapat sa inyo na sa buong mamamayan ng Israel, kayo ang pinili ng Diyos ng Israel na makalapit sa kanyang harapan para maglingkod sa Tolda ng Panginoon at upang maglingkod sa sambayanan? 10 Pinili niya kayo at ang iba pang mga Levita upang makalapit sa kanyang presensya, at ngayon gusto pa ninyong maging pari? 11 Sino ba si Aaron para pagreklamuhan ninyo? Sa ginagawa ninyong iyan, ang Panginoon ang kinakalaban mo at ng iyong mga tagasunod."
12 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab. Ngunit sinabi nila, "Hindi kami pupunta! 13 Hindi pa ba sapat na kinuha mo kami sa Ehipto na isang lupaing masagana sa gatas at pulot para patayin lang kami dito sa ilang? At ngayon, gusto mo pang maghari sa amin. 14 At isa pa, hindi mo kami dinala sa lupaing masagana sa gatas at pulot at binigyan ng mga bukid o mga ubasang magiging amin. Ngayon, gusto mo pa kaming lokohin? Hindi kami pupunta!"
15 Nagalit si Moises at sinabi niya sa Panginoon, "Huwag po ninyong tatanggapin ang kanilang mga handog. Hindi ako nagkasala sa sinuman sa kanila; wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno."
16 Sinabi ni Moises kay Kora, "Bukas, ikaw at ang iyong mga tagasunod ay pupunta sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at pupunta rin doon si Aaron. 17 Ang 250 na mga tagasunod mo ay pagdalhin mo ng tig-iisang lalagyan ng insenso. Palagyan mo ito ng insenso at ihandog sa Panginoon. Kayo ni Aaron ay magdadala rin ng lalagyan ng insenso."
18 Kaya kumuha ang bawat isa ng kanya-kanyang lalagyan ng insenso at nilagyan ng baga at insenso, at tumayo sila kasama nina Moises at Aaron sa pintuan ng Toldang Tipanan. 19 Nang magtipon na si Kora at ang mga tagasunod niya sa harapan ni Moises at ni Aaron, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan, nagpakita ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa buong kapulungan. 20 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 21 "Lumayo kayo sa gitna ng kapulungang ito upang malipol ko na sila agad."
22 Ngunit nagpatirapa sina Moises at Aaron at sinabi, "O Diyos na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, magagalit po ba kayo sa buong kapulungan kahit isang tao lang ang nagkasala?"
23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 24 "Sabihin mo sa mga mamamayan na lumayo sila sa Tolda nina Kora, Datan at ni Abiram."
25 Pinuntahan ni Moises si Datan at si Abiram, at sumunod sa kanya ang mga tagapamahala ng Israel. 26 Pagkatapos, sinabi niya sa mga mamamayan, "Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito! Huwag kayong hahawak ng kahit anong ari-arian nila, dahil kapag ginawa ninyo ito parurusahan kayong kasama nila dahil sa lahat ng kasalanan nila." 27 Kaya lumayo ang mga tao sa mga tolda nina Kora, Datan at Abiram. Lumabas sina Datan at Abiram, at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawaʼt anak.
28 Sinabi ni Moises sa mga tao, "Sa pamamagitan nito malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin para gawin ang mga bagay na ito, at hindi ko ito sariling kagustuhan. 29 Kung mamatay ang mga taong ito sa natural na pamamaraan, hindi ako isinugo ng Panginoon. 30 Ngunit kung gagawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay, at mabibiyak ang lupa, at lalamunin sila nang buháy, kasama ang lahat ng mga ari-arian nila papunta sa mundo ng mga patay, dito malalaman ninyong ang mga taong ito ang nagtakwil sa Panginoon."
31 Pagkatapos magsalita ni Moises, nabiyak ang lupa na kinatatayuan nina Datan at Abiram, 32 at nilamon sila ng lupa pati ang kanilang pamilya, kasama ang lahat ng tagasunod ni Kora at ang lahat ng kanilang ari-arian. 33 Nilamon sila nang buháy ng lupa pati ang kanilang mga ari-arian. Sumara ang lupa at nawala sila sa kapulungan. 34 Ang lahat ng mga Israelita ay nagsilayo nang marinig nila ang kanilang pagsigaw, dahil iniisip nila na baka lamunin din sila ng lupa.
35 Pagkatapos, nagpadala ang Panginoon ng apoy, at nilamon nito ang 250 tagasunod ni Kora na naghahandog ng insenso.
36 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 37 "Sabihin mo sa paring si Eleazar na anak ni Aaron, na kunin niya ang mga lalagyan ng insenso sa mga bangkay na nangasunog, dahil banal ang mga lalagyan. Sabihan mo rin sila na ikalat nila sa malayo ang mga baga 38 ng mga lalagyang ito na galing sa mga taong namatay dahil sa kanilang mga kasalanan. Ipamartilyo ang mga ito hanggang sa mapitpit, at itakip sa altar dahil inihandog ito sa Panginoon at naging banal ito. Ang takip na ito sa altar ay magiging isang babala para sa mga Israelita."
39,40 Kaya ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, ipinakuha ng paring si Eleazar ang mga tansong lalagyan ng insenso na ginamit ng mga taong nasunog at pinitpit niya ito para itakip sa altar. Isa itong babala para sa mga Israelita na walang sinumang makakalapit sa altar upang magsunog ng insenso sa Panginoon maliban lang sa mga angkan ni Aaron para hindi mangyari sa kanya ang nangyari kay Kora at sa mga tagasunod niya.
41 Ngunit nang sumunod na araw, nagreklamo na naman ang buong mamamayang Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, "Pinatay ninyo ang mga mamamayan ng Panginoon."
42 Habang nagkakaisa silang nagrereklamo kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nila na biglang bumalot ang ulap sa Tolda at ipinakita ng Panginoon ang kanyang kaluwalhatian. 43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Tolda 44 at sinabi ng Panginoon kay Moises, 45 "Lumayo kayo sa lahat ng mga taong iyan dahil tatapusin ko na sila ngayon din."
Nagpatirapa ang dalawa.
46 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron, "Kunin mo ang lalagyan mo ng insenso at lagyan ito ng insenso at baga galing sa altar, at magmadali kang pumunta sa mga mamamayan at maghandog ka sa Panginoon para mapatawad ang kanilang mga kasalanan, dahil galit na ang Panginoon at nagsimula na ang salot." 47 Kaya sinunod ni Aaron ang iniutos ni Moises, at tumakbo siya sa gitna ng mga mamamayan. Nagsimula na ang salot sa mga tao, ngunit naghandog pa rin si Aaron ng insenso para mapatawad ang kasalanan ng mga tao. 48 Tumayo siya sa gitna ng mga taong patay na at ng mga buháy pa at tumigil ang salot. 49 Ngunit 14,700 ang namatay, hindi pa kasama ang mga namatay dahil kay Kora. 50 Pagkatapos, bumalik si Aaron kay Moises sa pintuan ng Toldang Tipanan dahil tumigil na ang salot.