Publicidade

Números 15

Mga Tuntunin Tungkol sa mga Handog

1 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin ito sa mga Israelita: "Kapag dumating na kayo sa lupain na ibibigay ko sa inyo bilang inyong tirahan, 3 mag-alay kayo sa Panginoon ng mga handog na pagkain mula sa inyong mga kawan ng baka o tupa bilang nakalulugod na samyo sa Panginoon. Maaaring ito ay handog na sinusunog o mga alay na hayop, o handog para sa pagtupad ng isang panata o handog na kusang-loob o handog sa panahon ng pista. 4 Ang magdadala ng handog sa Panginoon ay magdadala rin ng handog na pagkaing butil na isang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis ng olibo. 5 Kalakip ng bawat tupang inaalay bilang handog na sinusunog o alay na hayop, mag-alay rin kayo ng isang litrong alak bilang handog na inumin.

6 "Kung matandang tupa ang ihahandog, sasamahan ito ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga dalawang kilo ng magandang klaseng harina, na hinaluan ng isaʼt kalahating litro ng langis. 7 At sasamahan pa ito ng handog na inumin na isaʼt kalahating litrong alak. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon.

8 "Ang maghahandog ng batang toro bilang handog na sinusunog o handog sa pagtupad ng isang panata, o handog pangkapayapaan para sa Panginoon, 9 ay kailangang maghandog din ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga tatlong kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng dalawang litrong langis. 10 At sasamahan pa ito ng mga handog na inumin na dalawang litrong alak. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 11 Ito ang inyong gagawin kapag maghahandog kayo ng isang toro o matandang lalaking tupa o kambing. 12 Gawin ninyo ito sa bawat hayop na inyong ihahandog.

13 "Ang lahat ng katutubong Israelita na mag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang mabangong handog na makalulugod sa Panginoon ay dapat sumunod sa mga tuntuning ito. 14 Kung sa susunod pang mga henerasyon ay may mga dayuhang maninirahang kasama ninyo, panandalian man o pangmatagalan, at gustong mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang mabangong handog na makalulugod sa Panginoon, dapat ay susundin din nila ang mga nabanggit na tuntunin. 15 Kayong mga Israelita at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo ay pareho lang sa harapan ko at parehong kautusan lang ang tutuparin ninyo. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito at ng inyong lahi hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 16 Pareho lang ang mga utos at mga tuntunin ang susundin ninyo at ng mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo."

17 Inutusan pa ng Panginoon si Moises 18 na sabihin sa mga Israelita: "Kapag dumating na kayo sa lupain na ibibigay sa inyo, 19 makakakain kayo ng bunga ng lupaing ito. Ngunit dapat ibukod ang iba nito para ihandog sa Panginoon. 20 Maghandog kayo ng tinapay galing sa harina na una ninyong giniling, katulad ng inyong ginawa sa unang ani ng inyong trigo mula sa giikan. 21 Ang handog na ito mula sa harina na una ninyong giniling ay ihahandog ninyo sa Panginoon hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

22 "Ngunit kung nasuway ng ilan sa inyo ang isa sa mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises, 23 o kayaʼy ng susunod pang mga henerasyon ang alin man sa mga utos na ibinigay ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, 24 at hindi sinasadya ang paggawa nito, at hindi rin alam ng buong kapulungan na pagsuway pala ito, ang buong kapulungan ay maghahandog ng isang batang toro bilang handog na sinusunog sa oras na nalaman ninyo ang inyong pagsuway. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. Isama rin ninyo ang mga kinakailangang mga handog na pagkaing butil at inumin, at isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan. 25 Ihahandog ito ng pari para matubos ang lahat ng mga mamamayan ng Israel sa kanilang kasalanan. Patatawarin ko sila dahil hindi naman ito sinasadya, at maghahandog din sila sa Panginoon ng mga handog sa pamamagitan ng apoy at ng handog para sa kasalanan. 26 Patatawarin ko ang buong mamamayan ng Israel, pati ang mga dayuhang naninirahan kasama nila, dahil sangkot ang lahat sa kasalanang iyon na hindi sinasadya.

27 "Ngunit kung isang tao lang ang nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaeng kambing na isang taóng gulang, bilang handog para sa kasalanan. 28 Ihahandog ito ng pari sa harapan ng Panginoon para matubos ang taong iyon sa kanyang kasalanang hindi sinasadya, at pagkatapos, patatawarin ko siya. 29 Iisa lang ang tuntunin para sa lahat ng nagkasala nang hindi sinasadya, katutubong Israelita man o dayuhang naninirahan kasama ninyo.

30 "Subalit, ang sinumang nagkasala nang sinadya, katutubong Israelita man o hindi, na lumapastangan sa Panginoon, kailangang huwag na ninyong ituring na kababayan. 31 Dahil sa itinakwil niya ang salita ng Panginoon at sinuway niya ang utos nito. Huwag nʼyo na siyang ituturing na kabilang sa inyo. Mananagot siya sa kanyang mga kasalanan."

Ang Parusa sa Hindi Pagsunod sa Araw ng Pamamahinga

32 Habang naroon sa ilang ang mga Israelita, may nakita silang tao na nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Dinala siya ng mga tao na nakakita sa kanya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong nila siya, dahil hindi sila nakasisiguro kung ano ang dapat gawin sa kanya. 35 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, "Kailangang patayin ang taong iyan, babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo." 36 Kaya dinala siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo at pinagbabato hanggang sa mamatay, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

37 Inutusan pa ng Panginoon si Moises 38 na sabihin ito sa mga Israelita: "Gumawa kayo ng mga palawit sa laylayan ng inyong mga damit at lagyan ninyo ito ng taling kulay asul. Kailangang sundin ninyo ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 39 Ang mga palawit na ito ang magpapaalala sa inyo ng lahat kong mga utos para sundin ninyo ito at hindi ang inyong kagustuhan lang ang inyong gawin. 40 Sa pamamagitan ng mga palawit na ito, maaalala ninyo ang pagtupad sa aking kasunduan, at magiging akin kayo. 41 Ako ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto para maging inyong Diyos. Ako ang Panginoon na inyong Diyos."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-