1 Nasa hardin ako ngayon,
aking irog na magiging kabiyak ko.
Nanguha ako ng mira
at mga pabango.
Kinain ko ang aking pulot
at ininom ang aking alak at gatas.
Kayong mga nagmamahalan,
kumain kayo at uminom.
2 Habang akoʼy natutulog,
nanaginip ako.
Narinig kong kumakatok
ang mahal ko.
Ang sabi niya,
"Papasukin mo ako, irog ko.
Basang-basa na ng hamog
ang ulo ko."
3 Hinubad ko na ang aking damit,
isusuot ko pa ba itong muli?
Hinugasan ko na ang aking mga paa,
dudumihan ko pa ba itong muli?
4 Nang ipasok ng aking mahal
ang kanyang kamay sa tarangkahan,
nanabik sa kanya ang aking puso.
5 Akoʼy bumangon
upang ang aking sintaʼy papasukin.
Basang-basa ng pabango
ang mga kamay ko,
tumutulo ang mira sa daliri ko
sa tarangkahan ng pinto.
6 Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal,
ngunit wala na siya.
Hinanap ko siya,
ngunit hindi ko siya makita.
Tinawag ko siya,
ngunit walang sumagot.
7 Nakita ako ng mga guwardiya
na naglilibot sa lungsod.
Pinalo nila ako,
at akoʼy nasugatan.
Kinuha pa nila ang aking damit.
8 Kayong mga babae ng Jerusalem,
mangako kayo sa akin!
Kapag nakita ninyo ang aking mahal,
sabihin ninyo sa kanyang
nanghihina ako
dahil sa pag-ibig.
9 O babaeng pinakamaganda,
ano baʼng mayroon sa iyong minamahal
na wala sa iba,
at kami ay iyong pinasusumpa pa?
Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba?
10 Ang aking mahal ay maningning
at ang kutis niyaʼy mamula-mula.
Sa sampung libong lalaki
ay nakahihigit siya.
11 Ang ulo niyaʼy parang pinakapurong ginto.
Buhok niyaʼy kulot at kasing-itim ng uwak.
12 Mga mata niyaʼy kumikinang
tulad ng kalapati sa tabi ng batis,
parang itong hinugasan ng gatas
at nakakabit na parang hiyas.
13 Ang mga pisngi niyaʼy kasimbango
ng mga harding punong-puno
ng mga halamang ginagawang pabango.
Ang mga labi niyaʼy parang mga liryo
na tumutulo ng mira.
14 Mga bisig niyaʼy tila
mahahabang bareta ng ginto
na napapalamutian ng mamahaling bato.
Katawaʼy tila pangil ng elepante,
makinang at napapalamutian
ng mga batong safiro.
15 Mga paa niyaʼy tulad
ng mga haliging marmol
na nakatayo sa pundasyong ginto.
Napakaganda niyang pagmasdan,
tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon.
16 Kay tamis halikan
ang kanyang bibig.
Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit.
O mga babae ng Jerusalem,
siya ang aking mahal,
ang aking iniibig.