1 May isang hari na mamumuno
nang matuwid,
at ang kanyang mga opisyal
ay mamamahala nang may katarungan.
2 Ang bawat isa
sa kanilaʼy magiging kanlungan
sa malakas na hangin at bagyo.
Katulad sila ng ilog
na dumadaloy sa disyerto,
o kayaʼy anino ng malaking bato
na lumililim sa tuyong lupain.
3 Ang mga mata ng mga may paningin
ay makakakita na nang tuluyan,
at ang mga tainga ng mga may pandinig
ay makakarinig na nang mabuti.
4 Ang taong pabigla-bigla
ay mag-iisip nang mabuti
para malaman niya
ang kanyang gagawin.
Ang taong hindi alam
kung ano ang sasabihin
ay makakapagsalita
nang mabuti at malinaw.
5 Ang mga hangal
ay hindi na dadakilain,
at ang mga mandaraya
ay hindi na igagalang.
6 Sapagkat kahangalan
ang sinasabi ng hangal,
at ang masama niyang isipan
ay nagbabalak na gumawa
ng mga kasamaan.
Nilalapastangan niya ang Panginoon,
at pinagkakaitan ang mga
nagugutom at nauuhaw.
7 Masama ang pamamaraan
ng mandaraya.
Ipinapahamak niya
ang mga dukha sa pamamagitan
ng kanyang kasinungalingan,
kahit na sa panahon ng paghingi
ng mga ito ng katarungan.
8 Ngunit ang taong marangal
ay may hangarin
na palaging gumawa ng mabuti,
at itoʼy kanyang tinutupad.
9 Kayong mga babaeng kampante,
bumangon kayo at pakinggan ninyo ako!
Kayong mga dalagang
labis ang tiwala sa sarili,
makinig kayo sa sasabihin ko!
10 Makalipas ang isang taon,
mababagabag kayong
mga may tiwala sa sarili
dahil hindi na mamumunga
ang mga ubas
at wala na kayong mapipitas.
11 Matagal na kayong pabaya
at walang pakialam.
Ngayon manginig na kayo sa takot.
Hubarin ninyo ang inyong mga damit
at magbigkis ng sako sa inyong baywang.
12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib
sa kalungkutan
dahil sa mangyayari
sa inyong masaganang bukirin
at mabungang ubasan.
13 Ang lupain ng aking mga mamamayan
ay tutubuan ng mga damo
at matitinik na halaman,
iyakan ninyo ang dating masayang tahanan
at sa lungsod na datiʼy puno ng galak.
14 Ang mataong lungsod
at ang mga tanggulan
ay hindi na titirhan.
Ang burol at ang bantayang tore nito
ay magiging
parang ilang magpakailanman.
Itoʼy magiging tirahan
ng mga maiilap na asno
at pastulan ng kawan ng tupa.
15 Mangyayari ito hanggang
sa ipadala sa atin
ang Espiritu mula sa langit.
Kung magkagayon, ang ilang
ay magiging matabang lupain
at ang matabang lupain
ay magiging kagubatan.
16 Lalaganap ang katarungan at katuwiran
sa ilang at matabang lupain.
17 At ang bunga ng katuwiran
ay ang mabuting kalagayan,
kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman.
18 Kayong mga mamamayan ng Diyos
ay titira sa mapayapang tahanan
at ligtas sa kapahamakan.
At wala nang gagambala sa inyo.
19 Kahit masisira ang kagubatan
at ang lungsod dahil umuulan ng yelo
na parang bato,
20 pagpapalain kayo ng Diyos.
Magiging masagana ang tubig
para sa mga pananim,
at ang inyong mga baka at asno
ay malayang manginginain kahit saan.