Publicidade

Isaías 14

Ang Pang-aalipusta sa Hari ng Babilonia

1 Kaaawaan ng Panginoon muli ang sambahayan ni Jacob

at muling pipiliin ang bayang Israel.

Muli niyang patitirahin ang mga ito

sa sarili nilang lupain.

Mayroon ding mga dayuhang

makikisama sa kanila

at maninirahang kasama

ang mga lahi ni Jacob.

2 Tutulungan ng ibang bansa ang Israel

para makabalik sila

sa lupaing ibinigay sa kanila.

Ngunit sasakupin sila ng Israel

at magiging alipin silang mga dayuhan sa

lupain ng Panginoon

Bibihagin nila ang mga bumihag

sa kanila noon,

at sasakupin nila ang mga umapi

sa kanila.

3 Sa araw na kayoʼy bibigyan ng ginhawa ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagkabagabag, at mabigat na gawaing dahil sa inyong pagkaalipin, 4 kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia:

Ang mapang-aping hari ay bumagsak na!

Tumigil na ang kanyang pang-aalipusta!

5 Pinutol na ng Panginoon

ang tungkod ng masasama,

maging ang baston ng mga namamahala

6 na kapag nagagalit, tao ang nagdurusa

at kapag napopoot, inuusig ang mga bansa,

at walang tigil ang pang-aalipusta.

7 Ang mga kalupaaʼy panatag at payapa

at magaawitan ang mga tao sa tuwa.

8 Magagalak pati ang mga puno

ng sipres at sedro sa Lebanon

dahil sa nangyari sa hari.

Para nilang sinasabi,

"Ngayong wala ka na,

wala nang puputol sa amin."

9 Nagkakagulo ang mga patay

sa iyong pagdating

at handang-handa na sila para ikaʼy salubungin.

Ang kaluluwa ng mga dating

makapangyarihan sa mundo

ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo.

Tumatayo sa kanilang mga trono

ang kaluluwa ng mga hari

para salubungin ka.

10 Sasagot silang lahat

at sasabihin nila saʼyo,

"Humina ka na rin pala katulad namin.

Pare-pareho na tayo."

11 Ngayong patay ka na,

wala ka nang kapangyarihan,

at wala na rin ang mga tugtugan

ng mga alpa upang ikaʼy parangalan.

Uod na ang iyong higaan

at sila rin ang kumot mo.

12 Nahulog ka mula sa langit,

ikaw na tinatawag

na tala sa umaga.

Ibinagsak ka sa lupa,

ikaw na nagpasuko ng mga bansa.

13 Sinabi mo sa iyong sarili,

"Aakyat ako sa langit,

at ilalagay ko ang aking trono

sa itaas ng mga bituin ng Diyos.

Uupo ako sa itaas ng bundok

na pinagtitipunan ng mga diyos

sa bandang hilaga.

14 Aakyat ako sa itaas ng mga ulap,

at magiging gaya ng Kataas-taasang Diyos."

15 Ngunit sa halip,

dinala ka sa lugar ng mga patay,

sa pinakamalalim na hukay.

16 Tititigan kang mabuti ng mga patay

at kanilang sasabihin,

"Hindi baʼt ito ang taong

sa buong mundoʼy kinatatakutan,

at yumanig ng mga kaharian?

17 Hindi baʼt siya ang nagwasak

ng mga lungsod,

ginawang parang ilang

ang buong mundo,

at hindi nagpalaya

sa kanyang mga bihag?"

18 Ang lahat ng hari sa mundo

ay marangal na nakahimlay

sa sarili nilang libingan.

19 Ngunit ikaw naman ay itatapon

na parang sanga na walang silbi.

Tatambakan ka ng mga bangkay

ng mga sundalong namatay

sa digmaan.

Ihuhulog ka sa hukay

kasama nila

at ikaʼy tatambakan

ng mga bato.

Matutulad ka sa bangkay

na tinatapak-tapakan ng mga tao.

20 Hindi ka ililibing na katulad

ng ibang hari,

dahil winasak mo

ang iyong sariling bansa

at pinatay ang iyong mga mamamayan.

Walang matitira sa iyong masamang lahi

at hindi na babanggitin pang muli.

21 Ihanda na ang lugar

kung saan papatayin

ang kanyang mga anak

dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno.

Hindi na sila dapat magmamana

ng mga lupain

ni magtayo ng mga lungsod

sa buong mundo.

22 Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo,

"Lulusubin ko at wawasakin ang Babilonia.

Wala akong ititirang buhay sa lugar na ito.

Walang matitira sa kanilang mga lahi."

23 Gagawin ko itong tirahan

ng mga kuwago,

at ilang na may maraming latian,

at gigibain ko na parang winalisan.

Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo,

ang nagsasabi nito.

Ang Pahayag Laban sa Asiria

24 Nanumpa ang Panginoon ng mga Hukbo at sinabi,

"Mangyayari ang plano ko;

matutupad ang desisyon ko.

25 Lilipulin ko ang mga taga-Asiria

sa lupain ng Israel.

Dudurugin ko sila

sa aking mga bundok.

Hindi na nila maaaring alipinin

ang aking mga mamamayan."

26 Ito ang binabalak kong gawin

sa buong mundo.

Ganito ang parusang ipapakita ko

sa lahat ng bansa.

27 Sino ang makakapagbago ng plano

ng Panginoon ng mga Hukbo?

Sino ang makakapigil

sa kanyang pagpaparusa?

Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo

28 Ang pahayag na ito ay natanggap noong namatay si Haring Ahaz:

29 Mga Filisteo,

huwag muna kayong magdiwang

sa pagkabali ng tungkod

na pumapalo sa inyo.

Sapagkat manggagaling sa ahas

na ito ang isang ulupong;

mas makamandag at tila lumilipad

na uri ang papalit sa kanya.

30 Ang mga mahihirap kong mamamayan

ay aking pakakainin

at bibigyan ng kapahingahan

nang walang anumang kinatatakutan.

Ngunit pababayaan kong mamatay

sa gutom ang mga lahi mo,

at ang matitira sa kanila

ay pupuksain ko.

31 Umiyak kayo nang malakas,

kayong mga mamamayan

ng mga bayan ng Filistia.

Sapagkat sasalakay sa inyo

ang inyong mga kaaway

na parang usok

mula sa hilaga

at silang lahat

ay pawang matatapang.

32 Ano ang isasagot natin

sa mga sugo ng bansang iyon?

Sabihin natin sa kanila na

ang Panginoon ang nagtayo ng Zion,

at dito manganganlong

ang nahihirapan niyang

mga mamamayan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_10-32-54-