Publicidade

Isaías 19

Ang Pahayag Laban sa Ehipto

1 Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Ehipto:

Makinig kayo!

Ang Panginoon

ay nakasakay sa matulin na ulap

at patungo sa Ehipto.

Nangangatog sa takot

ang mga diyos-diyosan ng Ehipto,

at kinakabahan ang mga Ehipsiyo.

2 "Pag-aawayin ko ang mga taga-Ehipto:

Kapatid laban sa kapatid,

kapitbahay laban sa kapitbahay,

lungsod laban sa lungsod,

at kaharian laban sa kaharian.

3 Masisiraan ng loob

ang mga taga-Ehipto,

at guguluhin ko

ang kanilang mga plano.

Silaʼy sasangguni sa mga diyos-diyosan,

sa kaluluwa ng mga patay,

sa mga mangkukulam

at mga espiritista.

4 Ipapasakop ko sila

sa isang haring malupit,"

pahayag ng Panginoon ng mga Hukbo.

5 Matutuyo ang tubig ng Ilog Nilo

at ang ilog ay mawawalan ng tubig

hanggang matuyot ito.

6 Ang mga sapa at mga batis

na dinadaluyan nito

ay babaho at matutuyo.

Malalanta ang mga tambo

at mga talahib,

7 ang lahat ng tanim

sa pampang ng ilog.

Matutuyo at titigas ang lupa

malapit sa Ilog ng Nilo

at mamamatay

ang mga halaman dito.

8 Ang mga mangingisda

ay iiyak at maghihinagpis,

lahat ng mga mamimingwit sa Ilog Nilo.

Ang mga maghahagis ng lambat

ay manghihina.

9 Malulungkot ang mga gumagawa ng damit

mula sa halamang ginagawang pinong lino,

ang mga humahabi ng pinong lino

ay mawawalan ng pag-asa.

10 Manlulumo ang mga manghahabi

at ang iba pang mga manggagawa.

11 Hangal ang mga pinuno ng Zoan!

Kinikilala silang mga pinakamatalinong

tagapayo ng Faraon,

ngunit ang kanilang mga payo

ay walang kabuluhan.

Paano nila nasabi sa Faraon,

"Lahi kami ng matatalino

at mga tagasunod ng mga hari

noong unang panahon."

12 Faraon, nasaan na ngayon

ang iyong matatalinong tao?

Kung talagang matatalino sila,

itanong mo kung ano ang plano

ng Panginoon ng mga Hukbo

para sa Ehipto.

13 Talagang mga mangmang

ang mga pinuno ng Zoan at Memfis.

Madali silang malinlang.

Sila na mga pinuno ng mamamayan,

ang nagligaw sa landas ng Ehipto.

14 Ipinadala sa kanila ng Panginoon

ang espiritu ng pagkahilo,

at inililigaw nila ang mga Ehipsiyo.

Kaya pasuray-suray sila sa lansangan

katulad ng lasenggong

ang suka ay iniikutan.

15 Walang sinuman sa buong Ehipto,

mayaman man o mahirap,

marangal man o aba,

ang makakatulong sa kanyang bansa.

16 Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Ehipto ay magiging mahina gaya ng mga babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoon ng mga Hukbo. 17 Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoon ng mga Hukbo laban sa kanila.

18 Sa araw na iyon, limang lungsod ng Ehipto ang manunumpa ng katapatan sa Panginoon ng mga Hukbo, at magsasalita sila sa wikang Hebreo na wika ng Canaan. Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.

19 Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Ehipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito. 20 Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoon ng mga Hukbo sa lupain ng Ehipto. Kung ang mga taga-Ehipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan niya sila ng tagapagligtas at tagapagtanggol, at siya ang magliligtas sa kanila. 21 Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon. Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Mamamanata sila sa Panginoon, at tutuparin nila iyon. 22 Parurusahan ng Panginoon ng salot ang mga taga-Ehipto; parurusahan sila ngunit pagagalingin din niya ang mga ito. Dudulog sila sa Panginoon, at didinggin niya ang mga dalangin nila at pagagalingin sila.

23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng malapad na daan mula sa Ehipto papuntang Asiria. Ang mga taga-Ehipto at mga taga-Asiria ay magpaparooʼt parito sa Ehipto at sa Asiria, at magkasama silang sasamba. 24 Sa araw na iyon, magsasama ang Israel, Ehipto, at ang Asiria. At ang tatlong bansang ito ay magiging pagpapala sa buong mundo. 25 Pagpapalain sila ng Panginoon ng mga Hukbo at sasabihin, "Pinagpapala ko ang mga taga-Ehipto na aking mga mamamayan, ang mga taga-Asiria na aking nilalang, at ang mga taga-Israel na pagmamay-ari ko."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-