Publicidade

Isaías 57

1 Ang taong matutuwid

ay nagdurusaʼt namamatay;

ngunit walang may pakialam;

ang mga makadiyos

ay namamatay nang maaga;

subalit walang sinumang nakakaunawa

na silaʼy inilalayo ng Diyos

sa darating na masama.

2 Sapagkat kapag namatay

ang taong matuwid,

magkakaroon na siya

ng kapayapaan at kapahingahan.

3 Ngunit kayong mga lahi

ng mga mangkukulam,

ng mga nangangalunya,

at ng mga babaeng bayaran,

lumapit kayo at nang kayoʼy mahatulan.

4 Sino ba ang inyong kinukutya,

na nagagawa pa ninyong

ngumiwi-ngiwi at dumila-dila?

Hindi baʼt kayo ay mga rebelde

at sa mga sinungaling nagmula?

5 Sinasamba ninyo

ang inyong mga diyos-diyosan

sa pamamagitan ng pakikipagtalik

sa ilalim ng bawat malalagong

punongkahoy na itinuturing

ninyong banal.

Inaalay ninyo ang inyong mga anak

doon sa mga lambak;

sa may mga matatalas na bato sa bangin.

6 Ang mga batong makikinis

sa mga daluyan ng tubig

ay ginagawa ninyong diyos

at sinasamba sa pamamagitan

ng paghahandog ng pagkain

at inumin.

Hindi ako natutuwa

sa ginagawa ninyong iyan.

7 Umaakyat kayo sa mga matataas na bundok

at nag-aalay ng inyong mga handog doon

at nakikipagtalik.

8 Inilalagay pa ninyo

ang mga rebulto

ng inyong mga diyos-diyosan

malapit sa pintuan ng inyong mga bahay.

Itinatakwil ninyo ako.

Para kayong babaeng mangangalunya

na nahiga sa malapad niyang higaan

at pumayag na sumiping

sa kanyang kalaguyo.

Gustong-gusto niyang makipagtalik

sa kalaguyo niya.

Talagang nagpapakasawa siya

sa pita ng kanyang laman.

9 Pumunta kayo sa diyos-diyosan

ninyong si Molec.

Marami ang kayong dalang

langis at pabango.

Nagsugo pa kayo ng mga tao

sa malayong lugar para maghanap

ng mga diyos-diyosang sasambahin ninyo.

Kahit na ang lugar ng mga patay

ay parang pupuntahan nʼyo pa.

10 At kahit pagod na kayo

sa kakahanap ng mga diyos-diyosan,

hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa.

Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili

kaya hindi kayo nanghihina.

11 "Sino ba itong mga diyos-diyosan

na kinatatakutan ninyo

at nagsinungaling kayo sa akin?

Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin.

Ano ba ang dahilan,

bakit hindi nʼyo na ako iginagalang?

Dahil ba sa nanahimik ako

sa loob ng mahabang panahon?

12 Ang akala ninyoʼy matuwid

ang inyong ginagawa,

ngunit ilalantad ko

kung anong klaseng tao kayo.

13 Tingnan natin

kung maililigtas ba kayo

ng inyong mga diyos-diyosan

kapag dumaing kayo

at humingi ng tulong sa kanila."

Pag-aliw sa Mapagpakumbaba

14 Sasabihin ko:

"Ayusin ninyo ang kalsada!

Tanggalin ang mga bato

at ihanda ito para sa pagbabalik

ng aking mga mamamayan."

15 Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Diyos,

ang Banal na Diyos

na nabubuhay magpakailanman:

"Nakatira ako sa mataas at banal na lugar,

at kasama ng mga taong

mapagpakumbaba at nagsisisi,

at silaʼy aking palalakasin

at bubuhayin ang kanilang kalooban.

16 Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin

o uusigin habang panahon,

dahil kung gagawin ko ito

mamamatay ang mga taong nilikha ko.

17 Nagalit ako dahil sa kasalanan

at kasakiman ng Israel,

kaya pinarusahan ko sila at itinakwil.

Ngunit patuloy pa rin sila

sa pagiging suwail.

18 Nakita ko ang masasama nilang gawi,

ngunit pagagalingin ko sila;

papatnubayan ko sila

at aaliwin ang mga nagluluksa.

19 At dahil dito, magpupuri sila sa akin.

Bibigyan ko sila ng wagas

na kapayapaan, sa malayo

o malapit man.

Pagagalingin ko sila,"

sabi ng Panginoon.

20 Ngunit ang masasama

ay walang kapayapaan.

Para silang alon sa dagat

na nagdadala ng mga putik

at mga dumi sa dalampasigan.

21 "Ang taong masama

ay hindi mabubuhay ng payapa,"

sabi ng aking Diyos.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-