1 May tutubong sanga
sa tuod ni Jesse;
mula sa mga ugat nito
ay sisibol ang isang usbong.
2 Ang Espiritu ng Panginoon
ay mananatili sa kanya,
at bibigyan siya
ng karunungan at pang-unawa,
ng kakayahang magpayo at kalakasan,
ng kaalaman at takot sa Panginoon.
3 Magiging kagalakan niya
ang pagsunod sa Panginoon.
Hindi siya mamumuno at hahatol
batay lang sa kanyang nakita
o narinig sa iba.
4 Bibigyan niya ng katarungan
ang mga mahihirap
at ipagtatanggol
ang kanilang mga karapatan.
Sa pamamagitan ng kanyang salita,
parurusahan niya
ang mga tao sa mundo
at mamamatay ang masasamang tao.
5 Paiiralin niya ang katarungan at katapatan,
ito ang magiging pinakasinturon niya.
6 Sa araw na iyon, ang asong lobo
ay maninirahang kasama ng tupa.
Mahihigang magkakasama
ang kambing at leopardo.
Magsasama ang guya at batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila
ay mga batang paslit.
7 Magkasamang kakain
ang baka at ang oso,
at ang mga anak nila
ay magkakatabing hihiga.
Ang leon ay kakain ng dayami
na tulad ng baka.
8 Kahit maglaro ang mga paslit
sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas,
o kahit na isuot nila
ang kamay nila sa lungga nito,
hindi sila mapapahamak.
9 Walang mamiminsala o gigiba sa Zion,
ang banal kong bundok.
Sapagkat magiging laganap
sa buong mundo
ang pagkilala sa Panginoon
katulad ng karagatan na puno ng tubig.
10 Darating ang araw na ang tagapagmana ng trono ni David ang magsisilbing hudyat sa mga bansa. Darating sila upang humingi ng patnubay sa kanya at ang lugar na tinitirhan niya ay magiging tanyag. 11 Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon upang ibalik ang kanyang mga natitirang mamamayan na dinalang bihag sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar.
12 Itataas niya ang isang bandila
upang tipunin ang mga nabihag
na mga Israelita.
Pauuwiin niya ang mga nakakalat
na mamamayan ng Juda
mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo.
13 Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda
at ang galit ng Juda sa Israel.
14 Magkasama silang lulusob
sa mga Filisteo sa kanluran,
sasamsamin nila ang yaman
ng mga tao sa silangan.
Ang Edom at Moab
ay kanilang sasakupin,
at ang mga Amonita
ay magpapasakop din.
15 Patutuyuin ng Panginoon
ang Dagat ng Ehipto,
at sa galaw ng kanyang kamay
ay paiihipin niya
ang mainit na hangin
sa Ilog ng Eufrates.
Itoʼy hahatiin niya sa pitong
maliliit na ilog daluyan
upang kahit ang naglalakad
ay makakatawid.
16 Kung paanong may malapad na daan
na dinaanan
ng mga mamamayan ng Israel
noong umalis sila sa Ehipto,
mayroon ding malapad na daan
para sa mga natitira niyang
mga mamamayan sa Asiria.