1 Nakakaawa ang Samaria,
na ang katulad
ay koronang bulaklak
na karangalan
ng mga lasenggo ng Israel.
Ang lungsod ng Samaria
ay nasa matabang lambak,
ngunit ang kanyang kagandahan
ay mawawala katulad ng bulaklak
na nalalanta.
2 Makinig kayo!
Ang Panginoon ay may inihahandang
malakas
at makapangyarihang bansa
na wawasak sa Samaria.
Katulad ito ng mapaminsalang bagyo
at rumaragasang baha.
3 Tinapak-tapakan niya ang Samaria,
ang koronang bulaklak
na karangalan ng mga lasenggo ng Israel.
4 Ang lungsod na ito ay nasa matabang lambak,
ngunit ang kagandahan nito
ay mawawala
katulad ng bulaklak na nalalanta.
Malalagas agad ito katulad
ng unang mga bunga ng igos
na kinukuha at kinakain agad
ng bawat makakita.
5 Sa araw na iyon,
ang Panginoon ng mga Hukbo
ay magiging tulad
ng magandang koronang bulaklak
para sa nalalabi niyang mga mamamayan.
6 Bibigyan niya ng hangarin
ang mga hukom
na pairalin ang katarungan.
At bibigyan niya ng tapang
ang mga tagapagbantay ng lungsod
laban sa mga kaaway.
7 Ngunit ngayon, pasuray-suray
ang mga pari at mga propeta,
at wala na sa tamang pag-iisip.
Mali ang pagkakaunawa
ng mga propeta sa mga pangitain,
at hindi tama ang mga desisyon
ng mga pari.
8 Ang mga mesa nilaʼy puno
ng mga suka nila
at walang parteng malinis.
9 "Ano bang palagay niya sa atin,
mga batang kaaawat pa
lamang sa pagsuso?
Bakit ganyan ang tinuturo niya sa atin?
10 Tingnan mo kung magturo siya;
paisa-isang letra, paisa-isang linya,
at paisa-isang aralin."
11 Dahil sa ayaw nilang makinig,
makikipag-usap ang Panginoon
sa mga taong ito sa pamamagitan
ng mga dayuhang iba ang wika.
12 Ito ang sasabihin niya,
"Mararanasan ninyo ang kapahingahan
sa inyong lupain."
Ngunit ayaw nilang makinig.
13 Kung kaya, tuturuan sila ng Panginoon
ng paisa-isang letra, paisa-isang linya,
at paisa-isang aralin.
At sa paglalakad nilaʼy mabubuwal sila,
masusugatan, mabibitag, at mahuhuli.
14 Kaya kayong mga nangungutyang mga pinuno
ng mga mamamayan ng Jerusalem,
pakinggan ninyo ang sinasabi
ng Panginoon!
15 Sapagkat nagmamalaki kayo at nagsasabing,
"Nakipagkasundo kami sa kamatayan
para hindi kami mamatay,
at nakipagkasundo kami
sa lugar ng mga patay
upang hindi kami madala roon.
Kung kaya, hindi kami mapapahamak
kahit na dumating ang mga sakuna
na parang baha,
dahil sa kami ay umaasang maliligtas
sa pamamagitan
ng aming pagsisinungaling
at pandaraya."
16 Kaya ito ang sinabi
ng Makapangyarihang Panginoon:
"Makinig kayo! Maglalagay ako
ng batong pundasyon sa Zion,
batong maaasahan,
matibay, at mahalaga.
Ang mga sumasampalataya sa kanya
ay huwag maging padalos-dalos
sa kanilang mga ginagawa.
17 Gagawin kong sukatan
ang katarungan at katuwiran.
Ipapatangay ko sa bagyo at baha
ang kasinungalingan
na inaasahan ninyong makakapagligtas
sa inyo.
18 Magiging walang kabuluhan
ang pakikipagkasundo ninyo sa kamatayan
at ang pakikipagkasundo ninyo
sa lugar ng mga patay.
Sapagkat mapapahamak kayo
kapag dumating na
ang mga sakuna na parang baha.
19 Palagi itong darating sa inyo,
araw-araw, sa umaga at sa gabi,
at tiyak na mapapahamak kayo."
Matatakot kayo kapag naunawaan ninyo
ang mensaheng ito.
20 Sapagkat kayoʼy matutulad
sa taong maiksi ang higaan
at makitid ang kumot.
21 Ang totoo, sasalakay ang Panginoon
katulad ng ginawa niya
sa Bundok ng Perazim
at sa Lambak ng Gibeon.
Gagawin niya ang hindi inaasahan
ng kanyang mga mamamayan.
22 Kaya ngayon, huwag na kayong mangutya,
baka dagdagan pa niya
ang parusa niya sa inyo.
Sapagkat napakinggan ko mismo ang utos
ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan
na wawasakin niya
ang inyong buong lupain.
23 Pakinggan ninyong mabuti
ang sasabihin ko.
24 Ang magsasaka baʼy lagi
na lamang mag-aararo
at hindi na magtatanim?
25 Hindi baʼt kapag handa na ang lupa,
sinasabuyan niya
ng sari-saring binhi
ang bawat bukid,
katulad halimbawa ng mga pampalasa,
trigo, sebada
at iba pang mga binhi?
26 Alam niya ang dapat niyang gawin
dahil tinuturuan siya ng Diyos.
27 Hindi niya ginagamitan
ng mabibigat na panggiik
o gulong ng kariton
ang mga inaning pampalasa,
kundi pinapagpag niya
o pinapalo ng patpat.
28 Ang trigo na ginagawang tinapay
ay madaling madurog
kaya hindi niya ito gaanong ginigiik.
Ginagamitan niya ito
ng karitong panggiik,
ngunit sinisiguro niyang
hindi ito madudurog.
29 Ang kaalamang ito
ay mula sa Panginoon ng mga Hukbo.
Napakabuti ng kanyang mga payo,
at kahanga-hanga
ang kanyang kaalaman.